Luis inspirasyon si ‘Kuya Germs’ sa pagpana ng tiket sa Rio Games
MANILA, Philippines – Ang namayapang si German ‘Kuya Germs’ Moreno ang nagpalakas ng loob ni national archer Luis Gabriel Moreno para matudla ang gintong medalya sa mixed team event noong 2014 Youth Olympic Games.
Sa kanyang hangaring makuha ang tiket sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil ay huhugot siya ng inspirasyon sa kanyang lolo.
“This time, it’s going to be different. I’ll not be doing it just for me and for the country. This time, I’ll be doing it for papa (Kuya Germs) and for the country,” wika ni Moreno sa isang panayam ng DZSR Sports Radio 918.
Sa kasalukuyan ay si Fl-Am Eric Cray ang opisyal na qualified sa Rio Olympics, habang tiyak nang makakalahok si lady weightlifter Heidilyn Diaz para sa kanyang ikatlong sunod na Olympic stint.
Para makakuha ng tiket sa Rio Olympics ay kailangang manalo siya sa darating na 2016 Archery World Cup Stage sa Hunyo 13-18 sa Antalya, Turkey.
Sinimulan na ni Moreno ang kanyang maigting na pagsasanay para sa naturang kompetisyon.
Hiniling na ni Philippine Olympic Committee president Jose Cojuangco, Jr. sa mga national sports associations (NSAs) na magsumite ng listahan ng kanilang mga atleta para sa accreditation sa International Olympic Committee.
Ang mga nasa listahan ay sina Daniel Caluag ng BMX cycling, golfers Miguel Tabuena, Jennifer Rosales at Princess Superal; weightlifters Diaz at Nestor Colonia; shooters Hagen Topacio, Amparo Acuna at Jayson Valdez; track bets Marestella Torres at EJ Obiena; boxers Mark Anthony Barriga, Rogen Ladon, Eumir Felix Marcial, Nesthy Petecio at Irish Magno; taekwondo’s Pauline Lopez at Sam Morrison at judo’s Kiyomi Watanabe.
- Latest