Cavs itinakas ni James sa OT vs Mavericks
DALLAS — Muling pinatunayan ni LeBron James kung bakit siya ang lider ng Cleveland Cavaliers.
Tumapos si James na may 27 points kasama ang go-ahead layup sa overtime, habang umiskor si Kyrie Irving ng 22 points tampok ang mahahalagang 3-pointers para ihatid ang Cavaliers sa 110-107 panalo laban sa Dallas Mavericks.
Ito ang pang-walong dikit na arangkada ng Cavaliers.
Humablot din si James ng 10 rebounds, habang nag-ambag si Kevin Love ng 15 points at 11 rebounds kasunod ang 12 markers ni Matthew Dellavedova at tig-10 nina JR Smith, Timofey Mozgov at Iman Shumpert.
Ang layup ni James sa huling minuto ng overtime ang nag-angat sa Cavs ng 106-105 kalamangan kasunod ang mintis na tres ni Deron Williams para sa Mavs.
Kumonekta naman si Irving ng isang tres bago tumunog ang kanilang shot clock para selyuhan ang panalo ng Cleveland.
Hindi nakalamang ang Cavaliers hanggang tumirada si Irving ng tres sa 10 minuto sa regulation para sa kanilang 75-74 bentahe.
Pinamunuan ni Chandler Parsons ang Dallas sa kanyang season-high 25 points mula sa 10-of-14 shooting.
Nagtabla ang laro sa 95-95 makaraan ang two-handed slam ni James sa huling 20 segundo sa regulation.
Sa New York, umiskor si rookie forward Kristaps Porzingis ng 26 points para pangunahan ang Knicks sa 120-114 panalo sa Boston Celtics.
Ito ang pang-limang panalo ng Knicks (20-20) sa kanilang huling pitong laro sa kabila ng pagkakaroon ni leading scorer Carmelo Anthony ng sprained right ankle sa first half.
Tumapos ang veteran small forward na may 17 points, 4 rebounds at 3 assists sa loob ng 18 minuto.
Ang Boston (19-19) ay pinamunuan naman ni guard Isaiah Thomas na may 34 points.
- Latest