Lady Blazers umabante
MANILA, Philippines - Bumangon ang College of Saint Benilde mula sa masamang panimula para itakas ang 16-25, 25-19, 25-11, 25-21 panalo laban sa University of Perpetual Help System Dalta kagabi sa stepladder semifinals ng National Collegiate Athletic Association Season 91 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Nagsanib-puwersa sina Janine Navarro at Ranya Musa nang magtala ang mga ito ng tig-15 puntos para tulungan ang Lady Blazers na umusad sa ikalawang yugto ng stepladder semis.
Nagdagdag si middle blocker Jeanette Panaga ng 11 puntos kung saan anim dito ay mula sa blocks samantalang nagbigay ng 23 excellent sets si Djanel Welch Cheng sa panig ng Benilde.
Makakaharap ng Lady Blazers ang reigning champion Arellano University na nagtataglay ng twice-to-beat advantage.
Ang magwawagi sa Benilde at Arellano ang siyang uusad sa championship round laban sa thrice-to-beat San Sebastian College.
Nasiguro ng Lady Stags ang awtomatikong tiket sa finals matapos walisin ang siyam na laro sa eliminasyon.
Sa men’s division, pinayuko ng San Beda College ang Arellano University, 25-22, 25-20, 22-25, 25-22, upang maibulsa ang huling tiket sa Final Four.
Bumira si Mark Christian Enciso ng 19 puntos habang nagdagdag ng 13 si Gerald Zabala, at tig-12 sina Alfie Macarinas at Yeshua Felix Manliclic para tulungan ang Red Lions na makabalik sa semifinals.
Makakasama ng San Beda sa susunod na yugto ang nagdedepensang Emilio Aguinaldo College (EAC), Perpetual Help at Benilde.
Nakuha ng EAC ang top seeding sa Final Four matapos patumbahin ang University of Perpetual Help System Dalta sa kanilang playoff game, 21-25, 25-20, 25-17, 25-18.
Nagpasabog si reigning Most Valuable Player Howard Mojica ng 30 puntos mula sa 24 attacks, limang aces at isang block para sa Generals habang nagdagdag si Hariel Doguna ng 11 puntos at tig-10 sina Israel Encina at Kerth Melliza.
Sa juniors, pinasuko ng Perpetual Help ang EAC, 25-18, 27-25, 17-25, 25-13, upang masungkit ang No. 1 position sa semis. (CCo)
- Latest