Clippers umiskor sa Hornets
LOS ANGELES - Ipinagpatuloy ng Los Angeles Clippers ang pagtatala ng mga panalo bagama’t hindi naglalaro ang kanilang leading scorer.
At kung huhubarin na ni Blake Griffin ang kanyang street clothes para magbalik sa lineup ay mas lalo pa silang aarangkada.
Nagtala si point guard Chris Paul ng 25 points at 7 assists at dumiretso ang Clippers sa kanilang pang-walong sunod na panalo mula sa 97-83 paggiba sa Charlotte Hornets.
May 7-0 record ang Los Angeles sapul nang magkaroon si Griffin ng partially torn tendon.
“We’re moving the ball and putting a huge emphasis on defense,” sabi ni Paul. “The only way we can really score without the big fella is we defend.”
Nagdagdag naman si guard J.J. Redick ng 17 points para sa Clippers.
Pinamunuan naman ni guard Jeremy Lin ang Hornets sa kanyang 26 points.
Ito ang ikaanim na dikit na kamalasan ng Charlotte, hindi nakuha ang serbisyo ni shooting guard Nicolas Batum sa ikaapat na sunod na laro bunga ng sprained toe sa kanyang kanang paa.
Ang 19-footer ni Paul ang nagpainit sa 13-1 atake ng Clippers para itayo ang 58-49 abante sa 6:02 minuto sa third quarter.
Tuluyan na nilang iniwanan ang Hornets sa 86-75 sa fourth quarter buhat sa jumper ni Redick.
Sa Atlanta, kumamada si Al Horford ng season-high 33 points at humakot ng 10 rebounds, habang nag-ambag si Paul Millsap ng 18 points para igiya ang Hawks sa 120-105 paggupo sa Chicago Bulls.
Humugot si Jimmy Butler ng 14 sa kanyang 27 points sa third quarter at nag-ambag si Nikola Mirotic ng 24 points para sa Chicago.
Sa Sacramento, nagsalpak si Stephen Curry ng walong tres at tumapos na may 38 points at nagdagdag si Draymond Green ng 25 markers para pamunuan ang Golden State Warriors sa 128-116 panalo kontra sa Sacramento Kings.
Kumonekta si Green ng limang triples, habang nagdagdag si Klay Thompson ng 15 points kasunod ang 13 ni Andre Iguodala at 11 ni Brandon Rush.
Umiskor ang Warriors ng 36 points sa kabuuan ng third period kung saan sila nagtayo ng 12-point lead at hindi na nilingon pa ang Kings.
- Latest