Bullpups matikas pa rin, Blue Eaglets sinakmal
MANILA, Philippines – Sinakmal ng National University ang Ateneo de Manila University, 81-69 upang manatiling malinis ang rekord nito at mapatatag ang kapit sa solong liderato kahapon sa pagpapatuloy ng University Athletic Association of the Philippines Season 78 juniors basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Nangibabaw si John Lloyd Clemente nang tumipa ito ng 21 puntos tampok ang 5-of-9 shooting clip sa three-point area, humatak ng 13 rebounds at nagbigay ng dalawang assists para pamunuan ang Bullpups na mailista ang ikawalong sunod na panalo.
Nagparamdam din si Justine Baltazar na kumana ng 15 puntos at tumabo ng 20 boards habang nagdagdag ng tig-siyam na puntos sina Daniel Atienza at Winderlich Coyoca.
Apat na miyembro ng Ateneo ang nagtala ng double digits subalit hindi ito sapat upang hatakin ang kanilang koponan sa panalo.
Nawalan ng saysay ang 19 ni Gian Mamuyac, 17 ni Samjosef Belangel at tig-14 nina Jolo Mendoza at Saun Danielle Ildefonso.
Nahulog ang Blue Eaglets sa 5-3 baraha.
Sa iba pang resulta, naitakas ng University of Santo Tomas ang pukpukang 95-94 panalo laban sa University of the East para masiguro ang kanilang ikatlong panalo sa walong laro.
Bumida para sa España-based squad si Miguel Ratuiste na bumanat ng 22 puntos katuwang sina Inand Fornillos (19), Clark Ballada (13) at Lakksman Ganaphat (10).
- Latest