Lady Stags pupuwesto sa Finals
MANILA, Philippines – Target ng San Sebastian College na masungkit ang awtomatikong silya sa finals sa pakikipagtuos nito sa College of Saint Benilde ngayong tanghali sa NCAA Season 91 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Maghaharap ang Lady Stags at Lady Blazers sa alas-12:30 habang masisilayan naman ang bakbakan ng University of Perpetual Help System Dalta at Colegio de San Juan de Letran sa unang laro sa alas-11 ng umaga.
Hawak ng San Sebastian ang solong liderato tangan ang malinis na 8-0 rekord.
At kung magwawagi ito laban sa St. Benilde, pormal itong magmamartsa sa finals tangan ang thrice-to-beat advantage, dahilan upang mauwi sa stepladder ang semifinals.
Nasa ikalawang puwesto ang nagdedepensang Arellano University na may 8-1 marka para masiguro ang twice-to-beat advantage sa Final Four habang magkasosyo sa ikatlong posisyon ang St. Benilde at Perpetual Help na may magkatulad na 6-2 baraha.
Babanderahan ang Lady Stags ni reigning Most Valuable Player at national team member Grethcel Soltones na siyang pangunahing pinagkukunan ng lakas ng koponan.
Ngunit mangangailangan ito ng sapat na suporta mula sa kanyang mga katropa partikular na kina Nikka Mariel Dalisay at Katherine Villegas gayundin kina setter Vira Guillema at libero Alyssa Eroa.
Ang Benilde naman ay pamumunuan nina Janine Navarro, Jeanette Panaga, Chelsea Santillan at Jan Arianne Daguil.
Sa men’s division, hangad ng Perpetual Help na makuha ang twice-to-beat advantage sa pagsagupa nito sa Letran.
Bigo ang Altas na maisakatuparan ang sweep matapos dungisan ng reigning champion Emilio Aguinaldo ang kanilang rekord noong Biyernes, 20-25, 22-25, 17-25.
“We just want the twice-to-beat incentive and hopefully get that chance of getting back at them (EAC),” ani Perpetual Help coach Sammy Acaylar.
- Latest