Lady Pirates pinatalsik na Lady Stags kumakaway sa finals
MANILA, Philippines – Binitbit ni Grethcel Soltones ang San Sebastian College sa 20-25, 25-13, 25-11, 25-14 panalo laban sa Lyceum of the Philippines University upang makalapit sa inaasam na puwesto sa finals sa NCAA Season 91 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ito ang ikawalong sunod na pananaig ng Lady Stags kung saan isang panalo na lamang ang kakailanganin nito upang makumpleto ang matamis na nine-game sweep sa eliminasyon na siyang magbibigay sa kanila ng awtomatikong tiket sa championship round.
Maliban sa finals berth, makasisiguro rin ang San Sebastian ng thrice-to-beat advantage sakaling maisakatuparan nito ang naturang plano.
Makakaharap ng San Sebastian ang College of St. Benilde sa Linggo sa kanilang huling asignatura sa eliminasyon.
“Magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi namin target na makuha ang sweep. Pinaghirapan namin ito para marating kung nasaan kami ngayon kaya hindi na namin sasayangin ang oportunidad na makuha yung sweep,” turan ni San Sebastian coach Roger Gorayeb.
Pakay ng San Sebastian na makabalik sa finals upang makabawi mula sa kanilang masaklap na kabiguan laban sa Arellano University noong nakaraang taon.
Pumalo ng 27 puntos si Soltones mula sa 24 atake at tatlong aces para pamunuan ang Lady Stags sa panalo. Sumuporta si Nikka Mariel Dalisay na nagsumite ng 16 puntos gayundin si Katherine Villegas na bumira ng 11.
Pinuri ni Gorayeb ang impresibong inilalaro ng kanyang bataan partikular na si Soltones--ang reigning Most Valuable Player.
“Siya talaga ang nagdadala sa amin. Siya ang dahilan ng aming mga panalo ngayong season,” dagdag ni Gorayeb.
Bukod-tanging si Grenlen Malapit lamang ang nagtala ng double digits sa hanay ng Lady Pirates na bumagsak sa 4-5 baraha para tuluyang mamaalam sa kontensiyon.
- Latest