Green umagaw ng eksena sa panalo ng Warriors vs Hornets
OAKLAND, Calif. – Humataw sina Stephen Curry at Klay Thompson ng tig-30 points at nagtala si Marreese Speights ng season-high 15 markers mula sa bench para akayin ang Golden State Warriors sa 111-101 pagwalis sa Hornets sa kanilang season series.
Ito ang ika-35 sunod na regular-season home win ng Warriors.
Subalit ang gabi ay para kay Draymond Green.
Hinirang si Green bilang ikalawang Warriors player na nakapaglista ng tatlong sunod na triple-doubles.
Kumolekta si Green ng 13 points, 15 rebounds at 10 assists para makasama si Tom Gola (1959-60) bilang tanging dalawang Warriors players na nagposte ng tatlong sunod na triple-doubles.
Ang huling player na nakagawa nito ay sa NBA ay si Oklahoma City Thunder guard Russell Westbrook, kumamada ng four-game streak sa nakaraang season.
Umiskor naman sina Kemba Walker at Jeremy Lamb ng tig-22 points para sa Hornets.
Sa Cleveland, nag-init ang mga kamay ni Kyrie Irving at naglista ng season-high 25 points at nagdagdag ng 24 points si J.R. Smith na tinampukan ng walong 3-pointers para ihatid ang Cavaliers sa 122-100 panalo sa Toronto Raptors.
Tumipa si Irving, nasa kanyang ikaanim na laro matapos magkaroon ng broken left kneecap, ng 10 of 16 fieldgoal shooting.
Sa Miami, kumabig si Chris Bosh ng 31 points, habang may 27 si Dwyane Wade kasama ang layup na pumuwersa sa overtime para burahin ang 18-point third-quarter deficit at natakasan ang Indiana Pacers, 103-100.
- Latest