Mainit ang pagtatapos ng 2015 sa U-19 Volcanoes, Hong Kong pinasabog sa Pacific Cup
MANILA, Philippines - Inilampaso ng Philippine Under-19 rugby team ang Hong Kong sa impresibong 49-0 panalo upang masungkit ang korona sa 2015 First Pacific Cup na ginanap sa Maynila.
Agad na naglatag ng malakas na puwersa ang Pinoy squad nang bumanat sina Robert Villaluz McCafferty, Rhys Jacob Mackley at Dan O’Rielly para ilista ang anim na puntos sa unang bahagi ng bakbakan.
Hindi nagpaawat ang Junior Volcanoes nang makisalo sa atake si Hamish Roxas McWilliam upang higit na palugmukin ang Hong Kong bets.
Pinuri ni assistant coach Jake Letts na miyembro ng Philippine Volcanoes ang magandang kampanya ng Junior Volcanoes na siyang mga posibleng maging miyembro ng seniors team sa mga susunod na taon.
“The U19s national team is a platform for our next batch of future Volcanoes. This program helps develop and identify the next generation of elite athletes and provides a pathway so our Men’s national team can continue to be successful on the world stage,” ani Letts.
Tinukoy nito si McCafferty sa isa sa may malaking potensiyal dahil sa agresibong laro nito.
“Robbie McCafferty had a great series, he showed real maturity at this level and is no doubt pushing for selection in the National Men’s Squad,” dagdag ni Letts.
Ang Philippine Volcanoes ay magugunitang nakasungkit ng gintong medalya sa 2015 Southeast Asian Games na ginanap sa Singapore habang ang Lady Volcanoes naman ay nakasiguro ng tansong medalya.
Umaasa ang Philippine Rugby Football Union na mas magiging maganda ang kanilang kampanya sa mga international tournaments na lalahukan ng Pambansang koponan sa susunod na taon.
- Latest