Diaz sasalang na sa matinding training para sa asam na tiket sa Rio
MANILA, Philippines – Matapos ang matagumpay na kampanya sa sinalihang international competition noong nakaraang taon, nangako si Filipina weightlifter Hidilyn Diaz na ipagpapatuloy ang kanyang pagsasanay para sa inaasam na tiket sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.
Pinalakas ni Diaz, ang reigning Asian titlist sa women’s 53kg category, ang kanyang tsansa sa Rio Olympiad mula sa bronze-winning lifts sa world championships noong Nobyembre sa Houston.
Inaasahang makakalaro siya sa Olympics sa ikatlong pagkakataon sa listahan na ipapadala ng International Weightlifting Federation sa Hunyo.
Bumuhat si Diaz ng 96-117-213 para sa bronze medal sa Houston world meet.
Dahil dito ay umakyat siya sa fourth spot sa 2016 Olympic Qualification Ranking List ng IWF para sa women’s 53-kg division sa pagtatapos ng 2015.
Sa qualification guideline, maaaring makakuha ang National Olympic Committees (NOCs) ng qualification places ayon sa kanilang posisyon sa joint team classification. Maaari ring makasikwat ang NOCs ng individual qualification places base sa Olympic Qualification Ranking sa pagtatapos ng qualifying period sa Hunyo o sa pamamagitan ng Tripartite Commission.
- Latest