Gradovich kakasa na kay Donaire
MANILA, Philippines – Pumayag na si dating Russian world featherweight titlist at one-time training stablemate Evgeny Gradovich na labanan si world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire Jr.
Ang pagdedepensa ni Donaire (36-3-0, 23 KOs) sa kanyang suot na World Boxing Organization crown kontra kay Gradovich (20-1-1, 9 KOs) ay itinakda ni Bob Arum ng Top Rank Promotions sa Abril 23 sa Smart Araneta Coliseum.
“Our plans for him are to have him next fight at the world famous Araneta Coliseum in the Philippines, which 40 years ago of course hosted the “Thrilla in Manila”, (the third fight) between Muhammad Ali and Joe Frazier,” wika ni Arum kay Donaire.
Nabawi ng tubong Talibon, Bohol na si Donaire ang WBO super bantamweight belt matapos biguin si Mexican fighter Cesar Juarez (17-4-0, 13 KOs) via unanimous decision noong Disyembre 12 sa San Juan, Puerto Rico.
Ang WBO belt ay dating isinuot ni Donaire noong 2013 bago ito inagaw sa kanya ni dating WBO titlist at Cuban two-time Olympic gold medalist Guillermo Rigondeaux (16-0-0, 10 KOs).
Nagkampeon si Donaire sa flyweight, bantamweight, super bantamweight at featherweight divisions.
Nauna nang sinabi ni Gradovich na bago niya hamunin si Donaire ay gusto muna niyang sumabak sa isang tune-up fight ngayong Enero.
Nawala sa Russian ang kanyang dating bitbit na IBF featherweight belt nang matalo kay Lee Selby noong Mayo.
Umiskor siya ng split decision win laban kay Aldimar Silva noong Oktubre sa Omaha, Nebraska para sa kanyang pinakahuling laban sa featherweight class at nagdesisyon na bumaba sa super bantamweight category.
- Latest