Gradovich magpapakondisyon muna bago labanan si Donaire
MANILA, Philippines – Isa si dating Russian world featherweight champion Evgeny Gradovich sa mga ikinukunsidera para labanan si world super bantamweight champion Nonito Donaire Jr.
Ngunit bago hamunin si Donaire (36-3-0, 23 KOs) ay mas gusto muna ni Gradovich (20-1-1, 9 KOs) na makagawa ng tune-up fight bilang paghahanda sa ‘The Filipino Flash’.
“I am very interested in this fight with Donaire,” wika ni Gradovich. “But at the same time it would be too hasty to hold it without even trying out the new weight. So I need some time to get down to the 122 pound division and settle there.”
Gusto sana ni Gradovich na labanan muna si Jesus Galicia sa Enero 9 sa Spain, ngunit hindi na ito itutuloy ng Top Rank Promotions.
Naisuko ng Russian fighter ang kanyang International Boxing Federation featherweight title mula sa isang technical decision loss noong Mayo kasunod ang kanyang eight round split decision kay Aldimar Santos noong Oktubre.
Muli namang naisuot ni Donaire ang World Boxing Organization super bantamweight crown matapos talunin si Mexican fighter Cesar Juarez (17-4-0, 13 KOs) via unanimous decision noong Disyembre 12 sa San Juan, Puerto Rico.
Bukod kay Juarez, maaari ring labanan ng 33-anyos na tubong Talibon, Bohol na si Donaire si Cuban two-time Olympic gold medalist Guillermo Rigondeaux (16-0-0, 10 KOs) para sa kanilang rematch.
Si Rigondeaux ang umagaw kay Donaire ng hawak nitong WBO title sa kanilang unification fight noong Abril ng 2013.
Matapos ang naturang pagkatalo kay Rigondeaux ay umakyat si Donaire sa featherweight division kung saan siya nanalo ng dalawang sunod bago natalo kay Jamaican star Nicholas Walters noong Oktubre ng 2014 sa Carson, California.
Nagdesisyon si Donaire na bumalik sa super bantamweight class at magkakasunod na tinalo sina William Prado noong Marso at Anthony Settoul noong Hulyo.
- Latest