So laglag sa No. 2 matapos makipag-draw kay Giri
MANILA, Philippines – Nauwi sa draw ang laban nina Filipino Grandmaster Wesley So at GM Anish Giri ng Netherlands sa fifth round sa pagpapatuloy ng 2015 Qatar Masters Open na ginaganap sa Aspire Zone sa Doha, Qatar.
Napataas ng 22-anyos na si So ang kanyang iskor sa apat na puntos subalit hindi ito sapat upang manatili sa unahan ng standings.
Nahulog sa ikalawang puwesto si So kasama sina Giri, GM Sergey Karjakin ng Russia, GM Vladimir Kramnik ng Russia, GM Shakhriyar Mamedyarov ng Azerbaijan, GM Dariusz Swiercz ng Poland at GM Yu Yangyi ng China.
Nasolo ni GM Magnus Carlsen ng Norway ang solong liderato hawak ang 4.5 puntos.
Tinalo ni Carlsen si GM Li Chao ng China sa kanilang fifth-round game.
Nanaig si Karjakin laban kay GM Dubiv Daniil ng Russia, wagi si Kramnik sa kababayang si GM Maxim Matlakov ng Russia, namayani si Mamedyarov kay GM Denis Khismatullin ng Russia, ginapi ni Swiercz si GM Anton Korobov ng Ukraine, at pinayuko ni Yu ang katropang si Xu Yinglun ng China.
Sa sixth round, makakasagupa ni So si Carlesn habang maghaharap sa hiwalay na bakbakan sina Kramnik at Mamedyarov, Giri at GM Surya Shekhar Ganguly ng India, Karjakin at Swiercz at Li at Yu. (CCo)
- Latest