Silva babalik na sa aksyon
MANILA, Philippines – Matapos maisilbi ang one-year suspension dahil sa paggamit ng steroid ay muling mapapanood si Brazilian mixed martial arts legend Anderson Silva sa susunod na taon.
Sinabi ni UFC president Dana White na lalabanan ng 40-anyos na dating middleweight champion si Michael Bisping ng Great Britain sa Pebrero 27, 2016 sa O2 Arena sa London.
Ang kanilang laban ay mapapanood lamang sa Fight Pass, ang digital subscription service ng UFC.
Halos pitong taong pinagharian ni Silva (33-2) ang 185-pound division hanggang mabigo kay Chris Weidman ng dalawang beses noong 2013.
Sa kanilang rematch ni Weidman ay nabalian ng binti si Silva.
Makaraang pagalingin ang kanyang injury ay nagbalik si Silva noong Enero 31, 2015 at kinuha ang decision victory laban kay Nick Diaz sa UFC 183, ngunit sinuspinde siya ng Nevada Athletic Commission matapos maging positibo sa paggamit ng steroid.
Kapwa sumalang sina Silva at Bisping (27-7) sa UFC noong 2006 subalit hindi pa naglalaban sa octagon.
- Latest