^

PSN Palaro

Top 10 story: Saya’t lungkot hatid ng 2015 sa Philippine sports

Pilipino Star Ngayon

Pacquiao-M’weather fight of the Century

MANILA, Philippines – Sari-sari ang mga balitang yumanig sa mundo ng palakasan sa nakalipas na taon.

May magarbong seleb­rasyon dahil sa kanilang ti­namong tagumpay ngunit mayroon din namang hindi magandang kabanata na nagdulot ng kalungkutan.

Gayunpaman, hindi ma­­titinag ang puso ng mga Pilipino dahil hindi ito bas­ta-basta sumusuko. Un­ti-unting babangon, nakataas ang noo hanggang sa muling makamit ang inaasam na tagumpay.

1. Nangunguna sa lis­­tahan ang tinaguriang Fight of the Century dahil matapos ang ilang taong negosasyon at palitan ng maaanghang na salita ay natuloy din ang bakbakan nina eight-division world boxing champion Manny Pacquiao at undefeated American boxer Floyd May­weather Jr.

Marami ang nag-abang sa engkuwentro nina Pacquiao at Mayweather dahil inasahan ng mga ito na magiging pukpukan ang laban mula umpisa hanggang dulo ng kanilang sagupaan. Ilang kilalang personalidad pa ang dumayo sa Las Vegas, Nevada noong Mayo 2 kabilang na ang mga hollywood stars, pulitiko at ilang tanyag na sports personalities.

Subalit dismayado ang mga nanood dahil sa umano’y malamyang la­ban.

Kalaunan ay inamin ni Pacquiao na mayroon itong iniindang injury sa kanang balikat.

Sa huli, napanatili ni May­­weather ang kanyang WBA (super), WBC at WBO welterterweight titles sa bisa ng unanimous decision.

Pumabor ang mga hurado kay Mayweather sa iskor na 116-112, 116-112 at 118-110.

Umaasa ang marami na magkakaroon ng re­­match ang Pacquiao-Mayweather hanggang sa mga oras na ito, walang malinaw na negosasyong gumugulong sa pagitan ng magkabilang panig.

SBP nabigong makuha ang hosting ng 2019 FIBA World Cup

2. Umuwing luhaan ang Samahang Basketbol ng Pilipinas noong Agos­to matapos mabigong ma­kuha ang hosting rights ng FIBA World Cup na ga­ganapin sa 2019.

Nagwagi ang China la­ban sa Pilipinas sa iskor na 14-7 na ibinigay ng mga miyembro ng makapangyarihang FIBA Central Board sa ginanap na pagpupulong sa Tokyo, Japan.

Naging tema ng presentasyon ng Pilipinas ang puso kung saan ipinag­malaki nito ang lubos na pag­mamahal ng mga Pi­lipino sa basketbol na siyang bubuhay sa pagtataguyod ng bansa sa na­turang world meet.

Ipinakita rin ang world-class Philippine Arena na pa­ngunahin sanang gagamiting venue kasama ang Mall of Asia Arena, Araneta Coliseum at ang bubuuing arena sa Cebu City.

Subalit mas magarbo ang iprinisenta ng China na nagtataglay ng malala­king pasilidad na ginamit noong 2008 Beijing Olympic Games, 2014 Nanjing Youth Olympics, 2010 Guangzhou Asian Games at ilang FIBA events.

Sa ngayon, nakasentro ang atensiyon ng SBP sa tangkang makuha ang hos­ting rights sa 2016 FIBA Olympic Qualifying Tournament na gaganapin sa Hulyo 4 hanggang 10.

Tatlong bansa ang pipiliin at kabilang ang Pilipinas sa may pinakamalakas na tsansang maging punong-abala ng naturang Olympic qualifying.

Ayo tinapos ang pagkauhaw ng Letran sa titulo

3. Nagliwanag ang ka­­langitan sa Intramuros ma­tapos masungkit ng Colegio de San Juan de Letran ang kampeonato sa NCAA Season 91 men’s basketball.

Tinuldukan ng Letran ang limang taong paghahari ng San Beda College sa bendisyon ng 2-1 panalo sa best-of-three championship series.

Wagi ang Knights sa Game 1 (94-90) ngunit na­itabla ito ng Red Lions sa Game 2 (68-61).

Naitakas ng Letran ang pahirapang 85-82 overtime win sa Game 3 para matamis na angkinin ang kanilang ika-17 korona sa pi­nakamatandang liga sa bansa.

UAAP title ibinalik ng Tams sa Morayta

4. Matagumpay ding naibalik ng Far Eastern University (FEU) sa kanilang te­ritoryo ang korona nang pabagsakin nito ang University of Santo Tomas, 2-1, sa UAAP Season 78 men’s basketball best-of-three championship showdown.

Nagtapos bilang runner-up noong nakaraang ta­on, siniguro ng Tamaraws na hindi na huhulagpos sa kanilang kamay ang mini­mithing titulo nang itarak nito ang 67-62 panalo sa ka­nilang do-or-die match.

Naipanalo ng FEU ang Game 1 sa iskor na 75-64 subalit isang malakas na puwersa ang inilatag ng Growling Tigers sa Game 2 para itabla ang serye sa bisa  ng 62-56 desisyon.

Nanatili sa unahan ang FEU bilang winningest team sa liga hawak ang 20 korona kasunod sa ikalawang puwesto ang UST at University of the East na may parehong 18 titulo.

Nakabalik na si Donaire

5. Nagbalik ang ning­ning sa mga mata ni Nonito Donaire Jr. nang muli nitong mahablot ang World Boxing Organization junior featherweight title matapos kubrahin ang unanimous de­cision win laban kay Ce­sar Juarez ng Mexico noong Disyembre 12 sa Coliseo Roberto Clemente sa San Juan, Puerto Rico.

Nakuha ni Donaire ang 116-110, 116-110, 117-109 panalo upang magarbong tapusin ang taong ito hawak ang makislap na WBO belt na magugunitang naagaw sa kaniya ni Guillermo Rigondeaux ng Cuba noong 2013.

Napaganda ng 33-an­yos na si Donaire ang kaniyang rekord sa 36 panalo tampok ang 23 knockouts, at tatlong talo.

Nadal nangakongbabalik sa Pinas

6. Muling nabigyan ng pagkakataon ang mga Pi­lipino na masaksihan ang world-class tennis sa pagdating ng mahuhusay na tennis players sa ginanap na 2015 International Premier Tennis League (IPTL) Manila Leg sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Malinis ang naging re­kord ng Manila Mave­ricks nang talunin nito ang UAE Ro­yals (29-18), Japan Warriors (25-21) at Indian Aces na pinamumunuan ni Rafael Nadal (25-24).

Kabilang din sa mga du­mating si reigning World No. 1 Serena Williams, da­ting French Open champion Ana Ivanovic, Belinda Bencic, Mark Philippoussis at Carlos Moya.

Tunay na nabighani si Na­dal sa mainit na pagtanggap ng mga Pilipino ka­ya’t nangako itong babalik sa Pilipinas upang bi­sitahin ang ilang kilalang tourist spots.

Beermen hinirang na kampeon sa PBA Governors’ Cup

7. Bumalik ang bangis ng San Miguel Beer nang kubrahin nito ang kam­peonato sa Philippine Basketball Association (PBA) Governors’ Cup sa pamamagitan ng matamis na pag­walis sa best-of-seven championship series laban sa Alaska noong Hulyo.

Hindi pinaporma ng Beermen ang Aces nang kunin nito ang 108-78 panalo sa Game 1, 103-95 demolisyon sa Game 2, 96-89 desisyon sa Game 3, at 91-81 pananaig sa Game 4 para angkinin ang ika-21 kampeonato ng prangkisa sa liga.

Umusad sa playoffs ang Beermen matapos pu­mangalawa sa eliminasyon hawak ang 8-3 rekord.

Dumaan sa butas ng ka­rayom ang Beermen ba­go makapasok sa semis.

Tangan ang twice-to-beat advantage, lumasap muna ng 99-106 kabigu­an ang SMB laban sa Meralco sa kanilang unang pagta­tagpo. Subalit mas naging agresibo ang Beermen sa do-or-die game nang ilista nito ang 102-86 kumbinsi­dong panalo.

Sa semifinals, pinatalsik ng Beermen ang Rain or Shine, 3-1, sa kanilang best-of-five series.

Itinanghal na Best Pla­yer of the Conference at Fi­nals Most Valuable Player si June Mar Fajardo.

Nagwagi rin si Fajar­do ng kanyang ikalawang Season MVP.

Narvasa maraming pagbabagong gagawin sa PBA

8. Sa pagbubukas ng Season 41, nagkaroon ng pagbabago sa liderato ng Philippine Basketball Association matapos italaga si Chito Narvasa bilang bagong commissioner ng liga.

Si Narvasa, na dating nagsilbing commissioner sa NCAA noong 2007 at UAAP noong 2008, ay napili base sa isinagawang botohan ng PBA Board.

Pinalitan ni Narvasa si Chito Salud na nagsilbi bilang kauna-unahang CEO/President ng PBA. Ngunit kalaunan ay nagbitiw si Salud sa kaniyang tungkulin kung saan tatapusin na lamang nito ang taong 2015 bago tuluyang lumisan sa liga.

Pinas isinalba ng boxing, athletics sa Singapore SEAG

9. Habang lumalaon, umaangat ang lebel ng kompetisyon sa Southeast Asian Games ngunit hindi makasabay ang mga atletang Pinoy dahil na rin sa kakulangan ng suporta at solidong programa mula sa mga namumuno ng pa­la­kasan sa bansa.

Sa nakalipas na 2015 edisyon ng biennial meet na ginanap sa Singapore, tumapos lamang sa ikaa­nim na puwesto ang Pilipinas tangan ang 29 ginto, 36 pilak at 66 tanso kung saan nanguna ang atletics at boxing sa kampanya ng bansa nang magbigay ito ng tig-limang gintong medalya.

Oo nga’t umangat ng isang baitang ang Pilipinas sa medal tally kumpara sa ikapitong puwestong pagtatapos ng Pambansang koponan noong 2013 Myanmar Games, malayo pa rin ito sa 112 gintong me­dalyang nakamit ng Pi­lipinas nang tanghaling kampeon noong 2005 Manila SEA Games.

Matapos magkampeon noong 2005 edisyon ng Southeast Asian Games na ginanap sa Manila, tila napag-iiwanan na ang Pi­lipinas ng mga karatig-bansa nito rehiyon.

Patunay ang ikaanim na puwestong pagtatapos nito sa 2015 SEAG na ginanap sa Singapore kung saan nag-uwi ng 29 ginto, 36 pilak at 66 tanso ang pambansang koponan - malayo sa 112 gintong nakamit ng bansa may 10 taon na ang nakalilipas.

Salamat sa impresibong kampanya ng athle­tics at boxing na parehong nagbigay ng limang gintong medalya habang nag-ambag ng tig-tatlong ginto ang taekwondo at billiards na tunay na maaasahan sa mga international competitions.

Back-2-back sa Ateneo sa UAAP women’s volley

10. Matayog ang lipad ng Ateneo de Manila University matapos dagitin ang ikalawang sunod na kampeonato sa UAAP women’s volleyball tournament noong Marso.

At naisakatuparan ito ng Lady Eagles sa bisa ng matamis na 16-0 sweep kabilang ang kanilang dominasyon laban sa De La Salle University sa finals.

Pinangunahan ni Alyssa Valdez ang ratsada ng La­dy Eagles laban sa Lady Spiker kung saan wagi ang Ate­neo sa sa Game 1 sa iskor na 25-18, 25-19, 25-19 at sa Game 2, 25-22, 25-17, 25-23, upang mapanatili ang kanilang korona.

Pinangalanang Season Most Valuable Player si Valdez, ang kaniyang ikalawang MVP trophy, kasama pa ang Best Scorer at Best Server awards habang nasikwat ng katropa nitong si Amy Ahomiro ang Finals MVP.

ACIRC

ANG

BEERMEN

GAME

KANILANG

MGA

NITO

NOONG

PILIPINAS

SHY

STRONG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with