Pinoy boxers ipagbawal muna sa South Africa--Gabriel
MANILA, Philippines – Nanawagan si boxing manager Ryan Gabriel na iwasan munang magpadala ng mga boksingero sa South Africa matapos ang hindi magandang karanasan ng ibang Pinoy pugs na lumaban doon.
Kamakailan lamang ay nagtungo si Gabriel sa South Africa kasama sina trainer Benjie Gonzales at boxer Rens Rozia na siyang lumaban kay South African Moruthi Mthalane para sa International Boxing Organization (IBO) flyweight title.
Hiniling ni Gabriel na makuha ang napagkasunduang premyo isang araw bago ang laban nina Rozia at Mthalene base na rin sa nakasaad sa kontrata. Subalit tila nagbanta umano ang trainer ni Mthalene na si Nick Durandt nang ilabas nito ang kanyang baril sa manager’s meeting.
“Dapat talaga itigil muna ang pagpunta doon ng mga Filipino boxers. I experience it myself and I want to speak out and do something about it para naman mapaayos ang sitwasyon ng mga boxers na lalaban doon o sa ibang bansa,” ani Gabriel.
Nagpadala ng reklamo ang grupo ni Gabriel kay IBO president Ed Levine ngunit sinabi lamang ng huli na ang naturang pangyayari ay isang maliit na “misunderstanding” lamang.
“Hindi katanggap-tanggap na maglabas ng baril in a boxing bout. I simply cannot take it. Our boxer saw it and nag-iba na ang focus niya sa fight,” ani Gabriel.
Kinuwestiyon rin ni Gabriel ang ginawang HIV test ng host country bago ang laban. Dapat aniyang isinagawa ito ilang linggo bago ang aktuwal na bakbakan.
“We’re not against the test pero dapat ginagawa yun at least few weeks before the fight. Yung kalaban namin ang sabi nakuhanan na raw ng dugo for HIV test, pero wala na kaming alam doon,” dagdag ni Gabriel.
Natalo si Rozia kay Mthalane via ninth-round TKO. “Kung nanalo kaya kami, makukuha namin ung premyo? We don’t know,” ani Gabriel.
Nauna ang dumanas ng masalimuot na karanasan sina Edrin Dapudong at Rey Loreto sa South Africa na parehong nagtala ng knockout win subalit hindi pa rin nakukuha ang kanilang premyo hanggang sa mga oras na ito.
“That’s why we, the managers are setting a meeting and present a formal stand to the GAB so that we will have an official call for travel ban on Filipino fighters to South Africa until the IBO can assure us that our boxers will be taken care of when they fight there,” ni Gabriel.
- Latest