Anthony malaki ang papel sa pagpasok ng NLEX sa quarters
MANILA, Philippines – Bagama’t may taas lamang na 6-foot-3, malaki ang nagagawa ni small forward Sean Anthony para sa kampanya ng NLEX sa 2015 PBA Philippine Cup.
“Sean is a valuable piece in our system because he can play multiple positions, plus yung binibigay niya is intensity inside the court na nadadala niya sa teammates niya,” sabi ni coach Boyet Fernandez kay Anthony.
Kumolekta si Anthony ng bago niyang PBA career-high na 37 points bukod pa sa 6 rebounds, 5 assists at 1 steal para tulungan ang Road Warriors sa 111-106 tagumpay laban sa Rain or Shine Elasto Painters.
Ang panalo ng NLEX ang pumigil sa layunin ng Rain or Shine na dakmain ang isa sa dalawang automatic semifinals berth.
Humugot si Anthony ng 13 points sa fourth quarter para kumpletuhin ang pagbangon ng Road Warriors mula sa 13-point deficit sa Elasto Painters.
Nagtala si Anthony ng mga career-best averages na 20.5 points, 11.5 rebounds, 3.7 assists at 1.1 steals para sa NLEX.
Sapat na ang kabayanihan at mga numero ni Anthony para kilalanin siya bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week sa ikalawang pagkakataon ngayong komperensya.
Tinalo ni Anthony para sa nasabing weekly citation sina Barangay Ginebra center Greg Slaughter at Blackwater veteran playmaker Mike Cortez.
Haharapin ng No. 7 NLEX ang sister team na No. 6 Talk ‘N Text, humahawak ng ‘twice-to-beat advantage, sa pagsisimula ng unang bahagi ng quarterfinals sa Araw ng Pasko sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
May bitbit pa ring ‘twice-to-beat’ bonus ang No. 3 Rain or Shine kahit natalo sa NLEX sa pagsagupa nila sa No. 10 Blackwater.
- Latest