Taekwondo yearender: Produktibo ang 2015 sa poomsae team
MANILA, Philippines – Tunay na world-class ang national taekwondo poomsae team na humakot ng medalya sa iba’t ibang international competitions sa taong ito.
Sumipa ang Pambansang koponan ng apat na ginto at isang pilak na medalya sa World Taekwondo Hanmadang Championships na ginanap noong Agosto sa Pyongtaek, South Korea.
Nakasiguro ng ginto ang Pilipinas sa Team Competition, Senior 1 Female Team, Junior 3 Pair at Senior 1 Pair habang ang pilak ay mula sa All Around Breaking Male.
Binubuo ang koponan nina Jeordan Dominguez, Moses Bullicer, Janna Dominique Oliva, Lee Robiegayle Navales, Ardee Landrito, Juvenile Crisostomo, Rinna Babanto, Elisabella Cesista, Jocel Lyn Ninobla, Patrick King Perez at Lee Robiegayle Navales.
Noong Hulyo, umani rin ang tropa ng isang ginto, isang pilak at isang tanso sa 2015 Korea Open na nilahukan ng mahigit 2,500 atleta mula sa 50 bansa.
Panalo ng ginto ang Senior Women’s Team nina Babanto, Ninobla at Crisostomo habang nakapilak ang Mixed Pair nina Perez at Navales at tanso naman sina Crisostomo at Cesista sa Individual Female (Senior).
Sa 1st Asian Cadet Taekwondo Poomsae Championships noong Abril na ginanap sa Taipei City, Taiwan, nagpasiklab ang mga bagitong jins sa pangunguna ni Justine Kobe Macario na nakasiguro ng ginto sa Cadet Freestyle Individual Male. Nakipagsanib-puwersa rin ito kina Shane Jeremy Benavente at James Matthew Lopez para matiyak ang Cadet Team Male gold.
Maliban sa dalawang ginto, nag-uwi pa ang junior poomsae team ng dalawang tanso buhat sa Cadet Team Female (Aidaine Krishia Laxa, Cheyena Dela Fuente at Chelsea Xen Tacay) at Cadet Pair (Kyslev Ernest Guzman at Laiea Simoune Soria).
Tinapos ng Pinoy jins ang kampanya nito tangan ang isang pilak at limang tanso sa 3rd Asian Junior Taekwondo Poomsae Championships na idinaos din sa Taiwan.
Tumulong din ang koponan sa kampanya ng Pilipinas sa Southeast Asian Games na ginanap noong Hunyo sa Singapore kung saan nakaginto sina Dustin Jacob Mella, Raphael Enrico Mella at Rodolfo Reyes Jr. sa Men’s Team at pilak naman si Babanto sa Women’s Individual.
Umaasa ang national team na mas magiging makulay ang kanilang kampanya sa susunod na taon partikular na sa prestihiyosong World Taekwondo Poomsae Championship na itatanghal sa Lima Peru.
- Latest