So mapapalaban sa Qatar Masters Open
MANILA, Philippines – Muling makikipagsabayan si Grandmaster (GM) Wesley So sa pinakamatitikas na chess masters sa mundo sa pagsabak nito sa 2015 Qatar Masters Open mula Disyembre 19 hanggang 30 sa Doha, Qatar.
Lalarga ang unang yugto sa Disyembre 20 sa Aspire Zone - ang pinakamalaking indoor sports dome sa mundo - kung saan ang magkakampeon ay magkakamit ng $25,000 papremyo habang ang ikalawa at ikatlo ay magbubulsa ng $15,000 at $10,000, ayon sa pagkakasunod.
Ang 22-anyos na si So ang fourth seed sa torneong lalahukan ng 145 masters mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Top seed si GM Carlsen Magnus ng Norway kasunod sina GM Vladimir Kramnik ng Russia at GM Anish Giri ng Netherlands.
Lalahok din sina GM Sergey Karjakin, GM Evgeny Tomashevsky at Dmitry Jakovenko ng Russia, GM Chao Li at GM Wei Yi ng China, GM Shakhriya Mamedyarov at GM Teimour Radjabov ng Azerbaijan, GM Radoslaw Wojtaszek ng Poland, GM Anton Korobov, GM Vassily Ivanchuk at GM Ruslan Ponomariov ng Ukraine at GM David Howell ng England, at defending champion GM Yu Yangyi ng China.
“Thank you for all your prayers as I head off to this amazing tournament. Very excited and grateful to be a part of it,” pahayag ni So sa kanyang official facebook account.
- Latest