PLDT reyna ng V-League, pananakit ng tuhod binalewala ni Valdez
MANILA, Philippines – Naikonekta ng PLDT Home Ultera ang 25-21, 25-22, 22-25, 25-21 panalo laban sa Army para masikwat ang kampeonato sa Shakey’s V-League Season 12-Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Muling naasahan ng Ultrafast Hitters si two-time UAAP Most Valuable Player Alyssa Valdez na hindi ininda ang pananakit ng kanyang tuhod upang makapagtala ng 22 puntos tampok ang 17 attacks.
Nagrehistro rin si Valdez ng 25 puntos sa kanilang 16-25, 20-25, 26-24, 29-27, 18-16 panalo sa Game 1 para tanghaling Finals MVP.
“Helping the team win the championship is really my goal above anything else,” sambit ni Valdez na siyang season MVP sa Open at Collegiate Conference.
Ito ang ikalawang korona ng Ultrafast Hitters sa taong ito matapos mamayagpag sa Open Conference noong Mayo.
“Parati ko siyang tinatanong kung okay ba siya. Sabi niya okay naman siya,” wika ni PLDT coach Roger Gorayeb.
Si Gorayeb ang unang mentor sa liga na nakapagtala ng Grand Slam matapos dalhin ang PLDT sa Open Conference title at National University sa Collegiate Conference crown.
“I’m thankful for it but I’m more concerned giving this team another championship,” ani Gorayeb.
Nakatulong si American import Sareea Freeman na bumira ng 17 puntos kasama ang anim na blocks para makabawi sa kanyang malamyang laro sa Game 1.
“That’s what she’s here for,” ani Gorayeb.
Tabla ang iskor sa 13-all sa ikaapat na kanto nang masubsob si Valdez sa kanyang ka-tropang si Sue Roces dahilan upang bahagyang sumakit ang kanyang tuhod.
Pansamantalang inilabas si Valdez upang makapagpahinga subalit agad din itong bumalik upang pamunuan ang atake ng Ultrafast Hitters sa mga huling sandali ng laro.
- Latest