Mojdeh tututukan sa pagpapakawalasa 87th PSL National Series ngayon
MANILA, Philippines – Magtatagisan ang pinakamahuhusay na bagitong tankers sa bansa sa pagpapakawala sa 87th Philippine Swimming League (PSL) National Series - 8th Sen. Nikki Coseteng Swimming Championship na magsisimula ngayong araw sa Diliman College swimming pool sa Quezon City.
May 300 kalahok ang nagkumpirma ng partisipasyon kung saan target ng mga ito na makakuha ng puwesto sa bubuuing national team.
Ang mabubuong koponan ang isasabak sa malalaking international tournaments kabilang na ang 2017 Summer World University Games sa Chinese-Taipei.
Pinaghahandaan din ng PSL ang pagsabak sa 2016 Indian Ocean All-Star Challenge sa Perth, Australia, Phuket Invitational Swimming Championship sa Thailand, Japan Spring Swimming Championship sa Tokyo at sa Hong Kong Stingrays Invitational Swimming Meet.
“Ngayon pa lang gusto na namin makabuo ng team para makapaghanda ang mga bata dahil malalaking tournaments ang pupuntahan ng PSL sa susunod na taon and we want them to be 100 percent prepared both mentally and physically,” pahayag ni PSL president Susan Papa.
Nangunguna sa listahan si Indian Ocean All-Star Challenge gold medalist Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque na inaasahang dodominahin ang girls’ 9 years-old event, habang sasabak din sina Sean Terence Zamora, Paul Christian King Cusing, Charize Juliana Esmero, Kyla Soguilon, Marc Bryan Dula at Angelo Macaraig.
Bibigyan ng medalya ang tatlong mangungunang swimmers sa bawat kategorya, habang gagawaran ng tropeo ang mga tatanghaling Most Outstanding Swimmers sa kani-kaniyang age band.
Ang dalawang swimmers (isang babae at isang lalaki) na may pinakamataas na International Swimming Federation (FINA) points ang mabibiyayaan ng P1,500 papremyo kasama ang Presidential Trophy.
Hangad ng PSL na maipagpatuloy ang magandang kampanya nito sa international tournaments, ayon kay Papa.
Nanggaling ang koponan sa impresibong ratsada sa Japan Fall Swimming Championship kamakailan kung saan sila humakot ng 39 medalya tampok ang 19 ginto.
- Latest