Petron, Foton pag-aagawan ang PSL Grand Prix Crown
Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
1 p.m. -- Petron vs Foton (Game 3, Finals)
MANILA, Philippines – Pakay ng Petron na masungkit ang kanilang ikatlong sunod na kampeonato sa pakikipagtuos nito sa Foton sa Game 3 ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix best-of-three championship series ngayong hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Aarangkada ang ‘do-or-die’ game ng Blaze Spikers at Tornadoes sa ala-una ng hapon kung saan inaasahang magpapalitan ng malulutong na paluan ang dalawang koponan sa torneong suportado ng Asics, Milo, Senoh, Mikasa, Mueller at TV5.
Mamanduhan ng beteranong sina Aby Maraño, Rachel Anne Daquis at Dindin Manabat kasama sina Brazilian imports Rupia Inck at Erica Adachi, ang Petron ay nagnanais na maduplika ang ginawang ‘three-peat’ ng Philippine Army sa unang tatlong kumperensiya ng liga.
Subalit alam ni Petron head coach George Pascua na daraan sa matinding pagsubok ang kanyang bataan upang maisakatuparan ang inaasam na tagumpay.
“Sabi ko sa kanila, ilabas na nila ang lahat dahil hindi basta-basta kalaban ang Foton. Kailangan matatag kami both physically and mentally. Andun ‘yung power sa game pero mas kailangan ng team ‘yung desire, ‘yung puso para manalo,” pahayag ni Pascua.
Tunay na nahirapan ang Petron sa serye matapos matalo sa Game One sa iskor na 14-25, 25-21, 25-19, 25-22.
Kinailangan din nito ng sapat na lakas upang pigilan ang pagtatangka ng Tornadoes bago hatakin ang 25-13, 25-21, 23-25, 26-24 pagresbak sa Game Two at maitabla ang serye sa 1-1.
Malaking tinik sa kampanya ng Petron ang dalawang American imports ng Foton na sina Lindsay Stalzer at Katie Messing kasama pa ang 6-foot-5 na si Jaja Santiago na siyang pangunahing pinagkukunan ng lakas ng Tornadoes.
“We will put special premium on defense. We know that offense earns points, but defense wins games. We have to tighten up our blocking and backline defense if we want to win the crown,” ani Foton coach Villet Ponce-de Leon.
Maliban kina Stalzer, Messing at Santiago, mangangailangan din ang Foton ng sapat na kontribusyon mula kina middle blocker Angeli Araneta, open hitter Kayla Tiangco-Williams, setter Ivy Perez at libero Bia General.
“In the past two games of the series palaging mabagal ang simula namin. We need to jump the gun early because Petron is a veteran team. Mahirap kalaban ang experience nila sa 5th set. So hindi na dapat umabot pa sa ganun. Kailangan sa simula pa lang magtrabaho na kami,” wika ni Ponce-De Leon.
- Latest