Desisyunan mo na-Arum kay Pacquiao
MANILA, Philippines – Ito na ang tamang panahon para pumili si Manny Pacquiao ng kanyang magiging pinakahuling laban bago magretiro at seryosohin ang political career niya.
Inaasahan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na magdedesisyon ang Filipino world eight-division champion bukas (Manila time).
Ito ay base sa pakikipag-usap ni Arum kay Michael Koncz, ang Canadian adviser ni Pacquiao, kahapon.
“He’s absolutely positive we’ll have an answer by Friday,” wika ni Arum sa posibleng pagpili ni Pacquiao sa hanay nina world light welterweight titlist at 2014 Fighter of the Year Terence Crawford, welterweight king Timothy Bradley Jr. at welterweight contender Amir Khan.
Nanggaling si Pacquiao sa unanimous decision loss kay Floyd Mayweather Jr. noong Mayo 2 kung saan nagkaroon siya ng right shoulder injury.
Matapos ang limang araw ay sumailalim si ‘Pacman’ sa isang surgery kasunod ang MRI na nagpatunay na naghilom na ang kanyang sugat sa kanang balikat.
Itinakda ni Arum ang pinakahuling laban ni Pacquiao sa Abril 9, 2016 bago tuluyang isabit ang kanyang boxing gloves.
Sinabi ni Arum na narebisa na ni Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) ang mga fight tapes nina Crawford (27-0-0, 19 KOs), Bradley (33-1-1, 13 KOs) at Khan (31-3-0, 19 KOs) na ipinadala niya.
Sinuman ang sagupain ng 36-anyos na Filipino boxing superstar ay makakakuha siya ng guaranteed purse na $20 milyon.
Kung si Arum ang tatanungin ay mas gusto niyang piliin ni Pacquiao ang sinuman kina Crawford at Bradley na parehong nasa kampo ng Top Rank Promotions.
Ang 28-anyos na si Khan ay ginagabayan ni adviser Al Haymon na idinemanda ni Arum ng $100 milyon ukol sa binuong Premier Boxing Champions ni Haymon.
- Latest