Wizards hiniya ang Cavs sa sariling bakuran
CLEVELAND – Umiskor si John Wall ng season-high 35 points at ipinatikim ng Washington Wizards sa Cleveland Cavaliers ang unang home loss nito ngayong season sa bisa ng 97-85 panalo.
Kaagad kinuha ng Wizards ang 10-0 abante at naghulog ng 9-0 bomba sa second half para tapusin ang kanilang four-game losing skid.
Kumamada naman si LeBron James ng 24 points sa panig ng Cavaliers na natalo sa unang pagkakataon matapos ang 10-0 record sa Quicken Loans Arena ngayong season.
Nagdagdag si Brandon Beal ng 18 points para sa Washington, habang humakot si Marcin Gortat ng 15 points at 11 rebounds.
Isang 15-2 atake ang ginawa ng Wizards sa second quarter para palobohin ang kanilang one-point lead sa 54-43 sa halftime bago umiskor ng siyam na puntos sa second half para ilista ang 21-point lead.
Iniwanan ng Wizards ang Cavaliers sa 69-47 sa gitna ng third quarter, ngunit nagsalpak si Matthew Dellavedova ng 10 points na tinampukan ng tatlong 3-pointers para ilapit ang Cleveland sa 67-78 agwat. Tumapos si Dellavedova na may 15 points at may 13 si J.R. Smith para sa Cavaliers.
Sa Philadelphia, dinaanan ni Kobe Bryant ang Philadelphia 76ers locker room at sinabi sa isang player na, “keep it going, guys.”
Nadiskaril ang kanyang homecoming game at ginawa ni Bryant ang kanyang pamamaalam sa Philly, nakamit ang kauna-unahang panalo matapos ang record na 0-18 panimula at 0-28 simula noong nakaraang season.
Ibinigay ang spotlight kay Bryant sa final game ng kanyang career sa siyudad kung saan siya isinilang, tinalo ng Sixers ang Los Angeles Lakers, 103-91, para sa una nilang panalo ngayong season.
Nanatili ang Sixers na katabla ang New Jersey Nets team noong 2009-2010 season sa kanilang worst start sa NBA history sa magkapareho nilang 0-18 start.
Ito ang unang panalo ng Sixers sapul noong March 25 sa Denver.
- Latest