Franz tinapik ng Adamson
MANILA, Philippines – Itinalaga ng Adamson University si Franz Pumaren bilang head coach ng men’s basketball team sa susunod na edisyon ng University Athletic Association of the Philippines.
Papalitan ng dating De La Salle University mentor ang interim coach na si Mike Fermin na mananatili sa Soaring Falcons bilang assistant coach.
Si Pumaren ang tumayong coach ng Green Archers noong 1998 hanggang 2005 at noong 2007 hanggang 2009.
Dinala nito ang La Salle sa limang korona kasama ang four-peat mula 1998 hanggang 2001. Ang kanyang ikalimang titulo ay nakuha noong 2007.
Maliban sa kanyang collegiate coaching career, naging coach din ito ng Air21 Express at San Miguel Beermen sa Philippine Basketball Associaton.
Naglaro si Pumaren sa PBA para sa Beermen kung saan nanalo ito ng siyam na korona kabilang ang matamis na Grand Slam noong 1989.
Umaasa ang pamunuan ng Adamson na malaki ang maitutulong ni Pumaren upang mapaganda ang kanilang kampanya sa susunod na taon.
Bigong makapasok sa Final Four ang Soaring Falcons matapos magtala lamang ng tatlong panalo sa kanilang 14 laro sa eliminasyon. Kasalo nito sa ibaba ng standings ang University of the Philippines na may parehong rekord.
Uhaw sa titulo ang Adamson dahil huli itong nagkampeon noong 1978.
- Latest