Panahon ng Tams kampeon sa UAAP Season 78
MANILA, Philippines – Kumayod ng husto ang Far Eastern University upang baliin ang pangil ng University of Santo Tomas, 67-62 tungo sa matamis na pagkopo ng kampeonato kahapon sa University Athletic Association of the Philippines Season 78 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ito ang ika-20 korona ng Tamaraws--ang kanilang unang titulo sapul nang magkampeon noong 2005. Nanatili sa unahan sa listahan ang FEU sa may pinakamaraming kampeonato sa liga.
Nagwakas ang best-of-three championship series sa 2-1 kung saan nakuha rin ng Tamaraws ang Game 1 sa iskor na 75-64 bago nakabawi ang Growling Tigers sa Game 2 sa bendisyon ng 62-56 panalo.
“I just told the players to focus on every moment, every possession. Laruin lang natin and hopefully get the result that we want. It was a hard game. Going into the game, I just kept on reminding them. When we’re struggling, we just kept on believing. Sabi ko sa kanila laban lang tayo,” pahayag ni FEU mentor Nash Racela.
Binanderahan ni Mac Belo ang ratsada ng Tamaraws nang tumipa ito ng 23 puntos kasama ang walong rebounds at isang block habang matikas ang naging suporta nina Roger Pogoy at Mike Tolomia na nagsumite ng 14 at 13, ayon sa pagkakasunod.
Muling dinomina ng FEU ang rebounding department matapos humatak ng 45 boards kumpara sa 37 ng UST.
Mas mataas ang field goal shooting ng Tamaraws tangan ang 33.33 porsiyento kumpara sa kanilang 27.12 sa Game 2. Maganda rin ang kanilang free throw shooting matapos isalpak ang 21 sa kanilang 26 charities.
Itinanghal na Finals Most Valuable Player si Belo matapos magtala ng average na 17.3 puntos, 10.7 rebounds at 1.0 block sa serye.
“Ang mindset ko talaga ibigay na ang lahat dahil alam kong wala nang bukas. Nandun yung pressure pero nag-commit yung bawat isa na effort lang kaya nakabalik kami sa game. Yung pagkatalo namin sa finals (last year laban sa National University) ibinaon na namin sa limot. Ngayon ginawa lang namin yung tama,” pahayag ni Belo.
Dalawang UST players lamang ang nagtala ng double digits tampok ang 21 ni Ed Daquioag at 12 ni Cameroonian Karim Abdul.
Nalimitahan sa anim na puntos at limang rebounds si Kevin Ferrer sa 39 minutong paglalaro, malayo sa kanyang 29 puntos na kinamada sa Game 2.
FEU 67 – Belo 23, Pogoy 14, Tolomia 13, Tamsi 6, Ru Escoto 5, Inigo 3, Jose 2, Orizu 1, Arong 0, Dennison 0, Ri Escoto 0, Trinidad 0.
UST 62 – Daquioag 21, Abdul 12, Lee 9, Ferrer 6, Lao 6, Vigil 6, Bonleon 2, Faundo 0, Huang 0, Sheriff 0.
Quarterscores: 18-19; 30-30; 51-46; 67-62.
- Latest