Warriors pinahirapan ng Jazz bago nailusot ang ika-19 dikit na panalo
SALT LAKE CITY -- Nabantayan nang husto si Stephen Curry sa first hanggang third period.
Ngunit pagsapit ng fourth quarter ay umiskor si Curry ng 10 sa kanyang 26 points sa huling 6:20 minuto para tulungan ang nagdedepensang Golden State Warriors na mailista ang kanilang NBA-record na 19-0 start sa season nang kunin ang 106-103 panalo laban sa Utah Jazz.
“We’ve had some battles and, obviously, we’ve had some lopsided victories,” sabi ni Curry.
Nagtabla sa 101-101 sa huling 51 segundo, kumonekta si Curry ng 3-pointer para ibigay sa Warriors ang 104-101 lead kasunod ang basket ni Rodney Hood sa huling 14 segundo na muling naglapit sa Jazz sa 103-104.
Nagkaroon ang Jazz ng pagkakataong agawin ang bentahe at ang panalo matapos ang mintis na tres ni Curry.
Ngunit sumablay ang tres ni Hood sa huling 5 segundo.
Nagsalpak si Curry ng dalawang free throws para sa 106-103 bentahe ng Golden State kasunod ang kapos na tangka ni Utah forward Gordon Hayward sa half court sa pagtunog ng final buzzer.
Nagdagdag si Klay Thompson ng 20 points para sa Warriors na tinampukan ng apat na triples.
Pinangunahan ni Hayward ang Jazz sa kanyang 24 points.
Ibinigay ni Derrick Favors sa Utah ang 99-97 kalamangan mula sa kanyang three-point play bago ang tres ni Curry.
Naipanalo ng Warriors ang kanilang 23 sunod na regular-season games simula noong nakaraang season.
- Latest