Warriors giniba ang Kings, best start pinalawig sa 18
OAKLAND, California – Ipinagpatuloy ng nagdedepensang Golden State Warriors ang kanilang pananalasa.
Umiskor si Stephen Curry ng 17 sa kanyang 19 points sa first quarter at itinala naman ni Draymond Green ang kanyang ikalawang sunod na triple-double sa pagdiretso ng Golden State Warriors sa kanilang NBA record sa 18 sunod na panalo sa 120-101 paggupo sa Sacramento Kings sa NBA.
May 22 sunod na panalo ngayon ang Warriors sa regular-season kasama ang huling apat sa nakaraang season para makatabla ang 2007-08 Houston Rockets sa ikatlong naglista ng pinakamahabang winning streak sa NBA history.
May 33 sunod na ratsada ang 1971-72 Los Angeles Lakers at naglista naman ng 27 arangkada ang 2012-13 Miami Heat.
Itinala rin ng Golden State ang kanilang ika-28 sunod na regular-season home game kasama ang nakaraang season para maging ika-10 NBA team matapos ang 1996-97 Chicago Bulls, nanalo ng 32 dikit sa kanilang tahanan.
Nagtala ng 10-point lead sa halftime, sinimulan ng Warriors ang third quarter sa pamamagitan ng 27-8 atake na tinampukan ng apat na 3-pointers ni Brandon Rush para iwanan ang Kings ng 29 points.
Mula rito ay hindi na nakalapit ang Sacramento.
Naglista naman si Green ng 13 points, 11 rebounds at 12 assists para maging unang Warriors player na nagposte ng back-to-back triple-doubles matapos si Wilt Chamberlain noong 1964.
Sa 135-116 panalo sa Phoenix Suns kamakalawa ay humakot si Green ng 14 points, 10 rebounds at 10 assists.
Tumapos si Rush ng may 16 points kasunod ang 15 ni Klay Thompson para sa Warriors.
Umiskor naman si Rudy Gay ng 20 points sa panig ng Kings.
Sa iba pang laro, tinalo ng Toronto Raptors ang Washington Wizards, 84-82; nalampasan ng Cleveland Cavaliers ang Brooklyn Nets, 90-88; pinadapa ng Dallas Mavericks ang Denver Nuggets, 92-81; dinaig ng Utah Jazz ang New Orleans Pelicans, 101-87 at pinatumba ng Portland Trail Blazers ang Los Angeles Lakers, 108-96.
- Latest