Lumapit sa V-League crown PLDT pinasuko ang Army
MANILA, Philippines – Naitakas ng PLDT Home Ultera ang makapigil-hiningang 16-25, 20-25, 26-24, 29-27, 18-16 panalo laban sa Army upang masiguro ang 1-0 bentahe sa Shakey’s V-League Season 12-Reinforced Conference best-of-three championship showdown kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Gaya ng inaasahan, sumakay ang Ultrafast Hitters sa impresibong laro ni Alyssa Valdez na nagpasabog ng 25 puntos tampok ang 22 sa atake, dalawang aces at isang block.
Ito ang unang laro ni Valdez sa kumperensiya dahil naglaro ito sa beach volleyball tournament sa University Athletic Association of the Philippines bago nagpasyang magpahinga bunsod ng iniindang back injury.
“Naging teammates ko na rin naman sila before. Sobrang close na kami sa isa’t isa. Ang important naman sa isang team na close kayo inside and out of the court para maganda ang laro. It’s a team effort, team work talaga ang nagpanalo sa amin,” pahayag ni Valdez, ang reigning Open Conference at Collegiate Conference Most Valuable Player (MVP).
Naglatag din ng lakas si Grethcel Soltones na pumalo ng 12 puntos gayundin si Aiza Maizo-Pontillas na nagdagdag ng 11 puntos.
Halos hindi naramdaman ang puwersa ng dalawang American imports na sina Victoria Hurtt at Sareea Freeman na nagrehistro lamang ng pinagsamang 12 puntos.
Lumabas din ang malalim na karanasan ni Rubie De Leon na nagrehistro ng 30 excellent sets habang nakakuha ang PLDT ng kabuuang 41 digs, 16 dito ay galing sa mahusay na libero na si Lizlee Ann Pantone.
Nanguna sa panig ng Lady Troopers si Jovelyn Gonzaga na kumana ng 19 katuwang sina Honey Royce Tubino at Aby Maraño na may 16 at 15, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, nakuha ni Gonzaga ang Season MVP at Best Opposite Spiker awards habang sina University of the Philippines standouts Kathy Bersola (1st) at Sheena Mae Chipotea (2nd) ang Best Middle Blockers.
First Best Outside Spiker si Tubino, Second Best Outside Spiker si Janine Marciano ng PLDT, Best Setter si Janet Serafica ng Philippine Navy at Best Libero si Pantone.
Lalaruin sa Disyembre 6 ang Game 2 dakong alas-3 ng hapon sa parehong venue.
- Latest