Petron ‘di papayag na maagaw ang korona
MANILA, Philippines – Tila hindi sanay ang reigning champion Petron na makita ang kanilang sarili na nakabaon sa serye sa 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament best-of-three championship showdown.
Kaya’t walang laman ang kanilang isip ngayon kung hindi ang makabangon upang makabalik sa dati nitong tikas at porma.
Lumasap ang Petron ng 14-25, 25-21, 25-19, 25-22 kabiguan sa kamay ng Foton sa Game 1 noong Huwebes sa Cuneta Astrodome.
Subalit hindi ito dahilan upang mawalan ng pag-asa ang Blaze Spikers.
“First time ito, so we treat it as a challenge,” deklara ni Petron head coach George Pascua na naglalayong maging ikalawang mentor na makakumpleto ng grand-slam sa ligang iprinisinta ng Asics at suportado ng Milo, Mikasa, Senoh, Mueller at TV5.
Napanalunan ng Petron ang Grand Prix crown sa pangunguna nina Alaina Bergsma at Erica Adachi kung saan mabilis nitong dinispatsa ang Generika sa finals.
Ganito rin ang ginawa ng Blaze Spikers nang kubrahin ang titulo ng All-Filipino Conference kung saan winalis nito ang 10-game double-round eliminations bago ilampaso ang Shopinas sa finals.
“Ang naging problema namin, nadala sila ng emotions nila. Actually, ang volleyball is more of psychological rather than physical. Natalo kami kasi naglaro sila based sa emotions, not on their willingness to and desire to win,” ani Pascua.
Sa katunayan, malakas ang naging panimula ng Petron matapos magpakawala ng magagandang plays sina Adachi, Dindin Manabat, Rupia Inck at Aby Maraño.
Ngunit tila naubusan ang Blaze Spikers sa huling tatlong sets na sumunod upang tuluyang ipaubaya ang panalo sa Tornadoes na minanduhan nina Lindsay Stalzer, Katie Messing at Jaja Santiago.
- Latest