V-Day sa Tams!? Tigers pupuwersahin ang game 3
MANILA, Philippines – Target ng Far Eastern University na tuldukan ang kanilang isang dekadang pagkauhaw sa titulo sa pakikipagtuos nito laban sa University of Santo Tomas sa Game 2 ng kanilang University Athletic Association of the Philippines Season 78 men’s basketball best-of-three championship series ngayon hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nakatakda ang engkuwentro ng Tamaraws at Growling Tigers dakong alas-3:30 ng hapon kung saan hawak ng FEU ang 1-0 bentahe sa serye matapos itarak ang 75-64 panalo sa Game 1 noong Miyerkules.
Umaasa si FEU head coach Nash Racela na mananatili ang mainit na intensidad ng kanyang bataan na nagnanais maibalik ang korona sa Morayta.
Huling nagkampeon ang Tams noong 2005 sa pangunguna nina Arwind Santos at Jeff Chan.
“Mabigat na yung understandings ng mga players. They don’t really care who gets the credit in this team. Every member of this team has been contributing,” pahayag ni Racela
Sasandalan ni Racela ang mga beteranong manlalaro nito sa pangunguna nina Mike Tolomia, Mark Belo at Roger Pogoy na siyang humataw sa Game 1.
Wala sa isip ng Tamaraws ang salitang kumpiyansa dahil ayaw ng mga ito na maulit ang kanilang masaklap na karanasan noong nakaraang taon nang matalo kontra National University sa kanilang serye.
Wagi ang FEU sa Game 1 (75-70) bago bumigay sa Game 2 (47-62) at Game 3 (59-75).
“Mas dadagdagan namin ang effort namin sa Game 2. Yung focus dapat hindi mawala dahil natuto na rin kami sa nangyari last year so kailangan talaga naming mas i-push pa namin ngayon ang mga sarili namin,” ayon kay Belo.
Para kay Tolomia, hindi pa panahon upang magdiwang dahil mas matinding laban ang kanilang haharapin sa Game 2.
“Mas gutom kami ngayon kaya all out kami. Sinabi ko sa kanila na huwag muna mag-celebrate kaagad. Wala pang dapat i-celebrate,” aniya.
Tama ang sinabi ni Tolomia dahil inaasahang ilalabas ng UST ang naitatagong bangis nito sa pangunguna ng graduating players na sina Cameroonian Karim Abdul, Kevin Ferrer, Ed Daquioag at Louie Vigil na nagnanais ng engradeng pagtatapos sa kanilang collegiate career.
“Basta kami gagawin lang namin ang lahat,” wika naman ni Ferrer.
Nagtala ng pinagsamang 34 puntos sina Abdul at Ferrer sa Game 1 subalit mangangailangan ang mga ito ng sapat na suporta partikular na kay Daquioag na umiskor lamang ng apat na puntos - malayo sa kanyang 16.4 average score sa eliminasyon.
Gayunpaman, tiwala si UST head coach Bong Dela Cruz na makakabawi si Daquioag.
“He just needs to learn from that game. Ed will bounce back, we know him. I have confidence in him last year; I still have confidence in him now,” pahayag ni Dela Cruz.
- Latest