Sa Shakey’s V-League best-of-3 championship series Valdez ibabandera ng PLDT laban sa Army
MANILA, Philippines – Isang mas mabangis na PLDT Home Ultera ang haharap kontra sa Philippine Army sa Game 1 ng kanilang Shakey’s V-League Season 12-Reinforced Conference best-of-three championship series na lalaruin bukas sa The Arena sa San Juan City.
Ito ay matapos kumpirmahin ni PLDT coach Roger Gorayeb ang pagbabalik-aksiyon ng reigning Open at Collegiate Conference Most Valuable Player na si Alyssa Valdez upang lalo pang palakasin ang kaniyang lineup.
“She told me she’ll play,” ani Gorayeb.
Hindi nakapaglaro si Valdez sa eliminasyon at semis dahil sumabak ito sa beach volleyball tournament ng University Athletic Association of the Philippines na sinabayan pa ng back injury.
Subalit matapos ang ilang linggong pahinga, handang handa na si Valdez na muling ilatag ang kaniyang malulupit na atake at matutulis na serve para tulungan ang Ultrafast Hitters laban sa Lady Troopers.
Makakasama ni Valdez sa frontline ang American imports na sina dating US NCAA Division I standouts Victoria Hurtt at Sareea Freeman gayundin sina dating MVP Aiza Pontillas at Janine Marciano.
“It will mean more attacking options for us with Alyssa around,” ani Gorayeb.
Umusad sa finals ang PLDT matapos gapiin ang University of the Philippines, 25-11, 25-17, 25-17 habang ang Army ay nanaig laban sa Navy, 25-16, 25-10, 25-22, sa kanya-kanyang semis games.
Sa kabila ng matikas na lineup, naniniwala si Gorayeb na hindi magiging madali ang kanilang tatahakin dahil taglay ng Army ang malalim na karanasan bilang isang solidong koponan.
“We’re taller, yes. But they’re a more experienced team and they’ve been together longer than us,” ani Gorayeb.
Magugunitang natalo ang PLDT sa Army sa kanilang unang paghaharap noong Oktubre 25 sa iskor na 23-25, 25-23, 11-25, 25-19, 13-15.
Mamumuno para sa Lady Troopers sina Tina Salak, Jovelyn Gonzaga, Aby Maraño at Honey Royse Tubino.
- Latest