Pinatumba ang Petron sa game one ng PSL Finals Foton lumapit sa korona
Laro sa Lunes (Cuneta Astrodome)
4 p.m. Petron cs Foton (Game 2, Finals)
MANILA, Philippines – Nakabangon ang Foton mula sa malamyang panimula upang hatakin ang 14-25, 25-21, 25-19, 25-22 sorpresang panalo laban sa defending champion Petron sa Game 1 ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix finals kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Muling umariba ang import na si Lindsay Stalzer nang umiskor ng 25 puntos na kanyang binuo mula sa 23 atake at dalawang blocks para bitbitin ang Tornadoes sa 1-0 bentahe laban sa Blaze Spikers sa kanilang best-of-three championship series.
“We knew we had to fight, fight and never give up (after the first set). We just go back to basics. Get the ball, set the ball and kill it. It’s the Finals and we are pumped up for this,” pahayag ni Stalzer na nagtala rin ng 10 digs at 14 receptions.
Sapat na suporta naman ang ibinigay ng isa pang import na si Katie Messing na nagrehistro ng 13 attacks at apat na blocks, habang nagdagdag ng pinagsamang 17 puntos sina Jaja Santiago at Angeli Araneta.
Nag-ambag din ng limang puntos ang setter na si Ivy Perez kasama ang 18 excellent sets.
“Fairytales do come true. Last year, we’re No. 5 and now we are in the finals,” wika ni Foton head coach Vilet Ponce-De Leon na dating miyembro ng Petron coaching staff.
Nanguna sa hanay ng Petron si Brazilian import Rupia Inck na nagsumite ng 21 puntos katuwang si Dindin Santiago na naglatag ng 16 puntos at Frances Molina na may 11 puntos.
Lalaruin ang Game 2 sa Lunes kung saan pakay ng Tornadoes na walisin ang serye upang makuha ang kanilang unang titulo sa liga.
- Latest