Knockout
Akala ko ay walang kayang tumalo kay Ronda Rousey.
Mali.
Bagsak ang sikat at seksing UFC fighter kay Holly Holm nung isang linggo nang maglaban sila sa Melbourne, Australia.
Magaling na boksingero si Holm. Kaya nung tumama ang kanyang left straight sa magandang mukha ni Rousey ay bagsak ito sa sahig.
Madaling tumayo pero tinamaan naman ng isang malakas na sipa sa bandang leeg. Tumba ulit. Hindi na pinatayo ng referee.
The end sa second round.
Nagulat ang buong mundo ng UFC. Hindi inasahan ng fans ni Rousey na ganito ang kahihinatnan ng laban niya kay Holm.
Nagyabang pa naman si Rousey kinagabihan ng laban na patutulugin niya si Holm gaya ng iba.
Mali ulit.
Puwedeng ihambing sa knockout ni Manny Pacquiao laban kay Juan Manuel Marquez nung 2012 ang nangyari kay Rousey.
Dahil dito, hindi puwedeng lumaban si Rousey ng anim na buwan. Precautionary sa UFC na matapos ang matinding knockout ay pahinga ka ng anim na buwan.
Malungkot si Rousey at ang kanyang mga fans.
Duguan si Rousey habang nakahiga sa sahig at lumipad siya pauwi sa America na halos nakatakip ang mukha.
Nakakaawa rin pero malaking lesson ito para kay Rousey.
Sabi nga ni Freddie Roach, kulang sa boxing skills ang sikat na UFC fighter.
Kaya kung gusto raw nito makabalik ay dapat paghusayin niya ang kanyang boxing. Tama rin naman si coach Freddie.
Karamihan kasi ng panalo ni Rousey ay submission o ang pilipitan sa sahig.
Baka gustong turuan ni coach Freddie si Rousey ng tamang boxing.
Pwede rin.
- Latest