Bulls ika-14 biktima ng Warriors
OAKLAND, California – Kumamada si Stephen Curry ng 27 points para ihatid ang nagdedepensang Golden State Warriors sa 106-94 pagdaig sa Chicago Bulls at makalapit sa pagduplika sa best start sa NBA history.
Nag-ambag si Harrison Barnes ng 20 points at 9 rebounds para tulungan ang Warriors sa pagtatala ng 14-0 kartada.
Ipinoste rin ng Golden State ang kanilang franchise-record na 26-game home winning streak.
Ang Chicago ang pinakahuling koponan na nanalo sa Oracle Arena noong Enero sa nakaraang regular season.
Naduplika ng Warriors ang 14-0 record ng Boston Celtics noong 1957-58.
Ang Golden State ang isa sa limang koponan sa NBA history na naglista ng 14-0 panimula at pipiliting makamit ang kanilang ika-15 sunod na panalo sa pagsagupa sa Denver Nuggets bukas.
Kung tatalunin ng Golden State ang Denver para sa kanilang 15-0 baraha ay may pagkakataon silang basagin ang record kung mananaig laban sa Los Angeles Lakers sa Miyerkules.
Ang Washington Capitols noong 1948-49 at ang Houston Rockets noong 1993-94 ang dalawa pang koponang naglista ng 15-0 start.
- Latest