UAAP Judo: Eagles, Tigresses kampeon
MANILA, Philippines – Inagaw ng Ateneo ang korona sa men’s division habang napanatili naman ng Santo Tomas ang kanilang women’s crown sa UAAP Season 78th judo tournament na idinaos noong Huwebes ng gabi sa La Salle-Greenhills gym.
Humakot ang Blue Eagles ng 61 puntos para hubaran ng titulo ang nakaraang kampeon Growling Tigers, na nakuntento sa ikalawang puwesto taglay ang 45 puntos sa event na suportado ng Imperium Technology.
Nagsanib-puwersa ang magkapatid na Alfred Benjie (-100 kg) at Jose Ariel Querubin (-81 kg) katulong si Monch Santiago -(90 kg) para itumba ang ginto sa final day at ibalik sa Ateneo ang korona na kanilang napagwagian may dalawang taon na ang nakakaraan para sa kanilang ikapitong championship sa overall.
Inangkin din ni Santiago ang MVP, habang isa pang Blue Eagles gold medalist na si Niño Clemente na nanalo sa -66 kg sa pagbubukas ng torneo noong Miyerkules ang nagwagi ng Rookie of the Year.
Ang De La Salle ay tumapos ng ikatlong puwesto taglay ang 19 puntos at pumang-apat ang host school na may 18 puntos.
Bumangon naman ang UST mula sa kanilang kabiguan sa men’s division nang dominahin ang woemn’s side sa nalikom na 86 puntos makaraang magposte ng 62-points margin victory laban sa pumangalawang University of the East.
Ibinigay nina Tracy Honorio (-57 kg), Eunice Lucero (-70 kg) at Aislinn Yap (-78 kg) ang ginto sa Tigresses, nanalo ng titulo sa ikalawang sunod na taon sa pangangasiwa ni coach Gege Arce at ikawalo sa overall.
Samantala, maghaharap ang third seed University of the East at No. 4 Ateneo sa do-or-die match ngayon sa women’s basketball stepladder semifinals.
Nakatakda ang kanilang tunggalian sa alas-10 ng umaga sa Smart Araneta Coliseum na ang mananalo ang haharap sa La Salle sa ikalawang stepp ladder semis sa susunod na linggo.
Naghihintay na sa finals ang nagdedepensang NU na hawak ang thrice-to-beat advantage matapos makumpleto ang 14-0 sweep sa elimination.
- Latest