Roach umaasa pa rin sa Pacquiao- Mayweather rematch
MANILA, Philippines – Bagama’t nagretiro na noong Setyembre ay umaasa pa rin si trainer Freddie Roach na mapupuwersa si Floyd Mayweather Jr. na labanan si Manny Pacquiao para sa kanilang rematch.
Ngunit kailangan munang maging kumbinsido ang laban ng Filipino world eight-division champion sa Abril 9, 2016.
“Manny needs to fight, win, come out healthy and show the world his shoulder is 100%,” wika ni Roach sa panayam ng Los Angeles Times kahapon. “If he does, I think we can get Mayweather.”
Tinalo ng 38-anyos na si Mayweather ang 36-anyos na si Pacquiao via unanimous decision sa kanilang super fight noong Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sa naturang laban ay nagkaroon si Pacquiao ng right shoulder injury sa fourth round.
Sinabi ni Roach na ang malaking premyo ang tiyak na hindi matatanggihan ni Mayweather, kumita ng $400 milyon kumpara sa $140 milyon ni Pacquiao sa una nilang paghaharap.
“I don’t see Floyd -- and Manny -- leaving all that money on the table. If Manny looks good, even if it’s $100 million for Mayweather instead of $300 million, that’s a lot of money,” wika ni Roach.
Bago matapos ang buwan ay inaasahang makakapili na si Pacquiao ng kanyang lalabanan sa hanay nina unbeaten light welterweight champion Terence Crawford, welterweight titlist Timothy Bradley Jr. at dating light welterweight king Amir Khan.
- Latest