Rivera, Del Rosario uuwi na ubos ang Pinoy
LAS VEGAS, Nevada – Nagwakas na ang pag-asa nina national titlists Biboy Rivera at Liza del Rosario matapos masibak sa Qubica AMF Bowling World Cup international finals dito sa Sam’s Town.
Nabigo sina Rivera at Del Rosario na mapabilang sa men’s at women’s final eight spots ng torneo.
Nagpagulong ang dating World FIQ winner na si Rivera ng 6783 pinfalls sa eight round-robin matches para tumapos na pang-10 sa 32 games.
Pumuwesto naman si Del Rosario sa pang-14 sa kanyang 6384 pins matapos ang 32 games.
Pitong World Cup crowns ang nakolekta ng Pilipinas sa pangunguna ng apat ni legendary bowler Paeng Nepomuceno, habang may tig-isa sina Lita dela Rosa, Bong Coo at C.J. Suarez.
Wala pa ring nakakapantay sa apat na World Cup titles ni Paeng hanggang ngayon sa men’s at women’s divisions.
Pinamunuan nina South African Francois Louw at Colombian Ciara Guerrero ang listahan ng walong mens at eight womens survivors.
Umiskor si Louw ng 7130 kasunod sina Siu Hong Wu (6991) ng Hong Kong, Paul Stott Jr. (6903) ng Ireland, Alexei Parshukov (6847) ng Russia, Muhammad Rafiq Ismail (6834) ng Malaysia, Muhammad Jaris Goh (6813) ng Singapore, Ryan Leonard Lalisang (6809) ng Indonesia at Tomoyuki Sasaki (6808) ng Japan.
Kumubra si Guerrero ng 6901 para iwanan si Sandra Gongoro (6874) ng Mexico sa women’s group kasunod sina Shannon Pluhowsky (6869) ng US, Maria Bulanova (6854) ng Russia, Isabelle Hultin (6715) ng Sweden, Geraldine Ng Su Yi (6681) ng Singapore, Siti Safiyah Amirah (6673) ng Malaysia at Sanna Pasanen (6646) ng Finland.
- Latest