Rockets sinibak si McHale, lusot sa Blazers sa OT
HOUSTON -- Humugot si James Harden ng siyam sa kanyang 45 points sa overtime para tulungan ang Rockets sa 108-103 panalo laban sa Portland Trail Blazers isang araw matapos sibakin si coach Kevin McHale.
Isinalpak ni Corey Brewer ang isang off-ba- lance three-pointer para makapuwersa ng overtime bago nagbida si Harden na tumapos na may 11 assists, 8 rebounds at 5 steals.
Ang basket ni Brewer sa natitirang 0.9 segundo ang nagtabla sa Rockets sa Blazers sa 99-99.
Si interim coach J.B. Bickerstaff, anak ni longtime NBA coach Bernie Bickerstaff, ang pumalit kay McHale.
“The team was not responding to Kevin,” sabi ni Rockets general manager Daryl Morey sa pag-ayaw ng mga Rockets sa sistema ni McHale.
“There is no time in the West.”
Iginiya ng 57-anyos na si McHale ang Rockets sa playoffs sa nakaraang tatlong sunod na seasons
Humakot si center Dwight Howard ng 19 rebounds, habang nagdagdag si Trevor Ariza ng 18 points at tumapos si Brewer na may 16 markers mula sa bench.
Nalasap naman ng Blazers ang kanilang pang-pitong sunod na kamalasan na siyang pinakamasaklap matapos ang 13-game losing skid noong 2012-13 season.
Sa iba pang resulta, tinalo ng Charlotte Bobcats ang Brooklyn Nets, 116-111; dinaig ng Orlando Magic ang Minnesota Timberwolves, 104-101; pinadapa ng Indiana Pacers ang Philadelphia 76ers, 112-85; pinabagsak ng Dallas Mavericks ang Boston Celtics, 106-102; binigo ng Atlanta Hawks ang Sacramento Kings, 103-97; tinakasan ng Oklahoma City Thunder ang New Orleans Pelicans, 110-103; iginupo ng San Antonio Spurs ang Denver Nuggets, 109-98 at pinayukod ng Utah Jazz ang Toronto Raptors, 93-89.
- Latest