Francisco igaganti si Donaire kay Rigo
MANILA, Philippines – Kung mananalo siya kontra sa isang dating world bantamweight champion ay inaasahang makakakuha ng title fight si dating Filipino world title challenger Drian Francisco.
Nakatakdang labanan ni Francisco (28-3-1, 22 KO’s) si Guillermo Rigondeaux (15-0-0, 10 KO’s) ng Cuba sa undercard ng bakbakan nina Miguel Cotto at Canelo Alvarez sa Linggo sa Mandalay Bay Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Dumating na si Francisco sa Los Angeles, California kahapon para sa kanilang paghaharap ni Rigondeaux.
Nakatakda sanang lumaban ang 33-anyos na tubong Sablayan, Occidental Mindoro noong nakaraang Biyernes sa Philippine Navy Headquarters sa Taguig City.
Ngunit umatras siya sa naturang boxing card matapos alukin na harapin si Rigondeaux.
Ang 35-anyos namang si Rigondeaux ay isang two-time Olympic gold medalist na tumalo kay Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire Jr. noong 2013.
Tinanggalan siya ng WBO junior featherweight title at ng WBA belt matapos mabigong maidepensa ang kanyang mga korona.
Huling lumaban si Rigondeaux noong Enero 1, 2014 kung saan niya tinalo si Hisashi Amagasa sa Japan sa 11th round.
- Latest