Curry humataw ng 46-points Perfect 10 sa Warriors
MINNEAPOLIS--Hindi pa rin nababawasan ang init ni Stephen Curry para pangunahan ang nagdedepensang kampeon Golden State sa 129-116 panalo sa Minnesota noong Huwebes sa NBA.
Tumapos si Curry taglay ang 46 puntos at ang Warriors ay umangat sa 10-0 karta.
Sa first period ay ipinaramdam ng MVP noong nakaraang taon na si Curry na isa uling eksplosibong gabi ito para sa kanya nang nagbagsak siya ng 21 puntos.
Sampung buslo lamang ang kanyang naisablay sa 25 attempts kasama ang kahanga-hangang patabinging tira upang makalusot sa depensa ni Andre Miller.
Tila nabutata na ni Miller si Curry pero naibitin pa ng huli ang attempt at gamit ang isang kamay ay nakatira pa.
“I was still kind of in rhythm. It was just kind of a low release,” wika ni Curry sa ginawang buslo.
May walong basket pa na naipasok si Curry sa 3-point line habang ang kakamping si Draymond Green ay kinapos ng dalawang rebounds para sa isang triple-double sa kinamadang 23 puntos, 12 rebounds at 8 assists.
Ang Golden State ang lalabas na ikaapat na koponan na nagsimula sa pagdepensa sa titulo gamit ang 10-0 panimula.
Si Andrew Wiggins ay mayroong 19 puntos at si Karl-Anthony Towns ay naghatid ng 17 puntos at 11 rebounds para sa Timberwolves na natalo sa ikaapat na home games para sa 4-4 karta.
Hindi nakasama ng home team ang mahusay na guard na si Ricky Rubio bunga ng left hamstring.
Sa iba pang laro, pinataob ng Miami Heat ang Utah Jazz, 92-91 at hiniya ng Phoenix Suns ang Los Angeles Clippers 118-104.
- Latest