Lahat may tsansang makapasok sa Rio
MANILA, Philippines – Dahil maigsi lamang ang format ng kompetisyon kaya’t lahat ng koponang lalahok sa Olympic world qualifiers ay may tsansang manalo at makapasok sa 2016 Rio Olympics.
“A team plays a maximum of four games and a minimum of two games. In group phase, one win and you already have a solid chance to make the next round,” wika ni Gilas team manager Butch Antonio.
Tatlong bansa ang paggaganapan ng huling qualifying event mula Hulyo 4 hanggang 10, 2016 at ang Pilipinas ay nag-bid para isagawa sa bansa ang isang leg.
Ang kampeon sa bawat leg ang uusad sa Rio Games at pursigido ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na dalhin sa bansa ang torneo para lalong gumanda ang tsansa ng Pinas na makalaro uli sa Olympics.
Ngayon ang huling araw para isumite sa FIBA ang kandidatura para maging host at sa Nobyembre 23 iaanunsyo ng world body ang nanalong tatlong bansa.
Ginawa ng SBP ang bidding matapos ipahiram ng PBA ang 17 manlalarong nais ni coach Tab Baldwin na makasama sa national pool.
Ang pool ay nagkaroon ng kanilang unang pagsasanay noong Lunes.
Noon pang 1972 huling nakapaglaro ang Pilipinas sa Olympics at ang Gilas national team ay kinapos ng isang panalo para pagharian ang FIBA Asia Men’s Championship para makuha ang puwesto sa Rio nang matalo sa finals laban sa China.
- Latest