Cignal pasok na sa semis sa Spikers’ Turf
Laro Bukas
(The Arena, San Juan City)
3 p.m. IEM vs Sta. Elena
5 p.m. Cignal vs Navy
MANILA, Philippines – Bumangon ang Cignal HD Spikers mula sa pagkatalo sa first set tungo sa 23-25, 25-22,25-14, 25-17 panalo sa IEM Volley Masters at makapasok na rin sa semifinals sa Spikers’ Turf Reinforced Conference noong Miyerkules ng gabi sa The Arena sa San Juan City.
Si Lorenza Capate Jr. ay mayroong 16 puntos na lahat ay ginawa sa pag-atake, si Edmar Bonono ay umiskor ng 10 puntos mula sa walong kills at dalawang blocks, habang si Jeffrey Lansangan ay may apat na blocks tungo sa siyam na puntos para sa nanalong koponan.
Ito na ang ikalawang sunod na panalo tungo sa 3-1 karta para samahan nila ang walang talong Air Force Airmen sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
May 21 puntos, tampok ang 20 kills, si Eden Canlas para tulungan ang IEM na magdomina sa spike department, 51-45.
Pero hindi ito naramdaman dahil tumibay ang depensa ng Cignal sa huling tatlong set para hawakan ang 10-2 lead.
Nakatulong pa sa Cignal ang 41 libreng puntos na ibinigay ng IEM mula sa kanilang errors para manatiling walang panalo ang koponan matapos ang tatlong asignatura.
Kailangan ngayon ng IEM na maipanalo ang huling dalawang laro sa elimination round para magkaroon pa ng tsansa na magpatuloy ang paglalaro sa natatanging commercial league sa men’s volleyball.
- Latest