Fil-Am BMX rider wagi sa Asian Championship
MANILA, Philippines – Nagbunga ang pagsali ni Fil-Am Sienna Elaine Fines sa 10th Asian BMX Championships sa Mount Pleasant Cycling Stadium sa Nay Pyi Taw, Myanmar nang nanalo siya sa under-19 junior female division.
Ang karera ay ginawa noong Oktubre 31 at tinalo ng 17-anyos na si Fines sina Chutikarn Kitwanichsatien ng Thailand at Khiwg Zin Moe ng Myanmar.
Wala namang oras na ipinoste ang mga websites na naglaman ng resulta ng kompetisyon na may basbas ng international body UCI at inorganisa ng Myanmar Cycling Federation.
May puntos na ibinigay ang UCI sa unang walong siklista na tumapos sa kompetisyon at ang kampeon ay mayroong 60 puntos.
Ito ang ikapitong karera na sinalihan ni Fines sa taon at unang panalo rin ang kanyang naiposte.
Bago ang karerang ito, si Kitwanichsatien ay ranked number 34 sa UCI bitbit ang 105 puntos habang nasa isang baytang sa ibaba si Fines tangan ang 100 puntos.
Si Fines ay nagbabalak na makasali sa 2016 Rio Olympics at kailangan pa niyang lumahok sa iba pang international tournaments para tumaas ang UCI points.
Ang rankings ng mga BMX riders sa Mayo 31, 2016 ang siyang sisipatin para madetermina ang mga pumasok sa Rio Games.
Si Daichi Yamaguchi ng Japan ang kampeon sa Men’s Junior division.
Nagkaroon din ng tagisan sa men’s at women’s division at winalis ng mga Japanese riders na sina Yoshitaku Nagasako, Jukia Yoshimura at Tatsumi Matsushita ang unang tatlong puwesto sa kalalakihan habang ang American-Thai na si Amanda Carr ang kampeon sa kababaihan bago sinundan nina Yan Lu ng China at Haruka Seko ng Japan.
- Latest