Ginebra, Mahindra kukubra ng panalo vs Alaska sa Dubai
MANILA, Philippines – Kapwa pipilitin ng Barangay Ginebra at Mahindra na makabangon mula sa kanilang dalawang sunod na kabiguan sa pagsagupa sa Alaska sa pagdadala sa aksyon ng 2015 PBA Philippine Cup sa Dubai.
Unang sasagupa sa Aces ang Enforcers sa Biyernes sa alas-8 ng gabi (12 ng gabi sa Manila) sa Al Wasl Stadium.
Hangad ng Mahindra ni playing coach Manny Pacquiao na makabawi mula sa Rain or Shine, 94-108, noong Oktubre 25 at sa Talk ‘N Text, 97-101, noong Oktubre 31.
Kasalukuyan namang kasalo ng Alaska sa liderato ang nagdedepensang San Miguel, Rain or Shine at NLEX mula sa magkakatulad nilang 2-0 kartada.
Umiskor ang Aces ni coach Alex Compton ng 114-98 tagumpay kontra sa Tropang Texters at ng 87-79 panalo laban sa Blackwater Elite.
Puntirya ng Alaska na maidiretso sa apat ang kanilang ratsada.
Sa Sabado ay makakaharap ng Aces ang Gin Kings ni two-time PBA Grand Slam champion mentor Tim Cone.
Hinahanap ng Ginebra ang kanilang kauna-unahang panalo sa ilalim ng bantog na ‘Triangle Offense’ ni Cone.
Nakatakdang magtungo ang Alaska at Mahindra ngayong umaga sa Dubai via Singapore Airlines kasunod ang Ginebra bukas.
Bibiyahe ang mga PBA officials, sa pamumuno nina chief executive officer Chito Salud, deputy commissioner Rickie Santos at media bureau head Willie Marcial ngayong alas-5:45 hapon via Emirates.
Pinasalamatan ni Salud ang Aces dahil sa pagpayag na lumaro ng dalawang sunod na araw laban sa Enforcers at Gin Kings.
“Nagpapasalamat tayo sa Alaska Aces sa pagpayag nilang maglaro ng back-to-back official games. Alam kong gagawin nila ito para sa ating mga kababayan sa UAE,” sabi ni Salud.
Tatapusin naman ni Commissioner Chito Narvasa ang mga laro bukas sa Mall of Asia Arena bago dumiretso sa Dubai.
- Latest