Rubio gumana Wolves tinakasan ang Lakers
LOS ANGELES – Tumipa si Ricky Rubio ng career-high 28 points at 14 assists at bumangon ang Minnesota Timberwolves mula sa 16-point deficit sa second half para resbakan ang Lakers, 112-111 sa kanilang unang laro matapos ang pagkamatay ni Flip Saunders.
Umiskor si Kevin Martin ng 23 points para sa Timberwolves na inialay ang panalo kay Saunders, ang kanilang longtime coach at team president na nagupo ng Hodgkin’s lymphoma.
Kinuha ng Minnesota ang 111-102 sa huling 2:11 minuto bago maghulog ang Lakers ng 9-1 bomba kasunod ang tres ni Lou Williams para ilapit ang koponan sa 111-112 sa huling 31 segundo.
Humakot si Kevin Garnett ng 4 points at 7 rebounds para simulan ang kanyang ika-21 NBA season para maging ikatlong player sa league history na may pinakamahabang taon ng paglalaro.
Tumapos si Kobe Bryant na may 24 points sa unang laro niya para sa kanyang ika-20 season para sa Lakers na sumira sa NBA record ni John Stockton para sa pinakamaraming seasons sa iisang koponan.
Ipinakita ni Bryant ang kanyang pamatay na porma matapos magkaroon ng injury, ngunit naimintis niya ang huling walong tira sa fourth quarter kung saan nakabalik ang Minnesota.
Kumolekta si No. 1 draft choice Karl-Anthony Towns ng 14 points at 12 rebounds sa kanyang NBA debut para sa Timberwolves.
Nagtala naman si No. 2 pick D’Angelo Russell ng 4 points at 3 turnovers sa kanyang debut sa Lakers.
Sa iba pang resulta, tinalo ng Chicago Bulls ang Brooklyn Nets, 115-110; tinakasan ng Washington Wizards ang Orlando Magic, 88-87; binigo ng Boston Celtics ang Philadelphia 76ers, 112-95; kinuha ng Detroit Pistons ang ikalawang panalo mula sa 92-87 paggiba sa Atlanta Hawks; pinatumba ng Miami Heat ang Charlotte Bobcats, 104-94; giniba ng Toronto Raptors ang Indiana Pacers, 106-99; at inilampaso ng Denver Nuggets ang Houston Rockets, 105-85.
- Latest