Lakas ng Tornadoes ‘di kinaya ng Cignal
Laro sa Huwebes
(The Arena, San Juan)
4:15 p.m. Philips Gold vs Foton
6:15 p.m. RC Cola vs Petron
MANILA, Philippines – Ipinalasap ng Foton ang ikalawang sunod na kabiguan ng Cignal sa second round matapos kunin ang 25-17, 25-19, 25-18 panalo sa 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan.
Ipinoste ng Tornadoes ang kanilang pangatlong panalo sa anim na laro at ipinagpatuloy ang kamalasan ng HD Spikers na nagwalis sa first round mula sa 5-0 baraha.
Humataw sina imports Katie Messing at Lindsay Stalzer at Filipino-American Kayla Williams ng tig-13 points at tumapos naman si Jaja Santiago na may 8 hits.
Ang solido nilang net defense ang nagpahirap kay Cignal reinforcement Ariel Usher na naglista ng 22 kills at 1 block para sa kanyang 23 points.
Nabigo si Usher na makuha ang suporta ng mga local players ng HD Spikers kung saan sinamantala ng Tornadoes ang malamyang backline defense ng una.
“They’re already playing as a team because that’s what we lacked in the previous games,” sabi ni Foton coach Villet Ponce-de Leon. “Wala naman akong duda sa skills nila because I know they’re good. It only depends on the execution and blending.”
Sa unang pagkakataon ay ginamit ng liga ang video challenge system kung saan maaaring kuwestiyunin ng coach ang isang partikular na tawag ng mga game officials.
Kinuwestiyon ni Cignal coach Sammy Acaylar ang block-touch call sa first set.
Matapos rebyuhin ng video challenge crew na pinamunuan ni Italian Emmanuel Celle ang nasabing tawag ay ibinigay sa HD Spikers ang puntos.
Ang PSL ang unang club league sa Asya na gumamit ng video challenge system.
“We really have to take advantage of this new technology in volleyball,” wika ni Acaylar. “I’m not degrading our officials, but the naked eye can only do so much. I made the challenge, but I first made sure that we didn’t touch the ball.”
- Latest