Tinapos ng Letran! 10-taong pagkauhaw sa titulo
MANILA, Philippines – Tinapos ng Letran Knights ang 10 taon na hindi nakakatikim ng titulo matapos pabagsakin ang San Beda Red Lions, 85-82 sa overtime sa Game Three sa 91st NCAA men’s basketball Finals kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Gumawa ang kanilang mga kamador na sina Kevin Racal, Mark Cruz at Rey Nambatac ng pinagsamang 50 puntos pero hindi nagpahuli ang rookie na si Jomari Sollano na tumapos bitbit ang career-high 19 puntos mula sa 9-of-12 shooting para pasayahin ang libu-libong panatiko kasama ang Pambansang Kamao at team manager na si Manny Pacquiao.
Ang kanyang libreng baseline jumper mula sa assist ni Cruz ang naging go-ahead basket ng Knights, 83-82 sa huling 32.6 segundo
Sablay si Arthur dela Cruz sa play ng San Beda at si Sollano ay nasa free throw line at naipasok ang unang free throw.
Talagang para sa Knights ang laro dahil natawagan ng double-lane violation sina McJour Luib at Dela Cruz at ang possession arrow ay napunta sa Knights.
Foul uli ang ibinigay ng Lions at naipasok ni Cruz ang unang buslo at sablay ang huli. Pero hindi na nagkaroon ng disenteng buslo ang 5-time champion San Beda dahil tatlong segundo na lamang ang nalalabi sa orasan.
“Ginawa namin ang lahat at ang pagkukulang ay pinunan ni God,” wika ni rookie Knights coach Aldin Ayo. “Sa Letran community, para sa inyo ito, tama na ang sakit, tayo naman.”
Si Cruz na ginawaran ng Final MVP kasama sina Racal at Rey Publico ay aalis sa koponan na nakatikim din ng titulo.
“Hindi ko alam ang feeling. I’m so blessed and thankful na nangyari ito. Ang sarap ng feeling,” ani Cruz.
Nakita man na natapos ang limang sunod na taon bilang hari ng koponan ay binigyan din ng Lions ng matinding laban ang Knights.
Naiwanan na sila ng walong puntos sa huling 1:53 ng labanan, 75-67, pero sa pagdadala ni Baser Amer ay tinapos nila ang yugto sa 8-0 bomba para magtabla sa regulation sa 75-all.
Tumapos si Amer bitbit ang 14 puntos, 11 dito ay ginawa sa huling yugto, habang ang papaakyat na rin sa PBA na si Dela Cruz ay mayroong 15 puntos, 13 rebounds at 8 assists.
Bago ito ay pinasaya muna ng San Beda Red Cubs ang kanilang mga tagahanga nang inangkin ang 70-61 panalo sa Arellano Braves para sungkitin ang ikapitong sunod na titulo sa juniors division.
Si Evan Nelle ang siyang ginawaran bilang Finals MVP matapos humakot ng 13 puntos .
- Latest