Beda, Letran patayan sa titulo
MANILA, Philippines – Lahat ng preparasyon at sakripisyo ng mga coaches at players ng San Beda at Letran ay magkakaroon ng bunga matapos ang larong ito.
Asahan ang pinakamatinding tagisan na nakita sa Red Lions at Knights sa huling mga taon dahil paglalabanan ng dalawang koponan na may pride sa collegiate basketball ang kampeonato sa 91st NCAA men’s basketball sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Dakong alas-4 ng hapon magsisimula ang tagisan at magsisilbing panghimagas ang pagkikita ng San Beda Red Cubs at Arellano Braves sa ganap na alas-2 ng hapon sa juniors division.
Hanap ng Cubs na maisantabi ang kabiguang makumpleto ang 20-game sweep nang natalo sa huling tagisan para ibulsa na ang makasaysayang ikapitong sunod na kampeonato sa kanilang dibisyon.
Maging kauna-unahang koponan na nakaanim na sunod na titulo sa seniors division ang nakataya sa Lions habang unang kampeonato sa huling 10 taon ang magpapainit sa laban ng Knights.
Nakauna ang Letran 94-90 pero bumawi ang San Beda sa Game Two noong Martes, 68-61.
“It’s gonna be one hell of a game from start to finish,” wika ni Lions first year coach Jamike Jarin.
Naibalik nina Arthur dela Cruz at Baser Amer ang larong hinahanap sa kanila sa Game Two nang nagsanib sa 21 puntos habang si Ola Adeogun ay mayroong 14 puntos. Nakatulong pa sa panalo ang ginawa ng bench upang maitabla ang best-of-three series.
Sina Jayvee Mocon, Roldan Sara at Amiel Soberano ay nagsanib sa 23 puntos para bigyan ang Lions ng 28-11 bench points kalamangan.
Napapabor sa Red Lions ang kanilang championship experience dahil puno ng pressure ang ganitong do-or-die game ngunit hindi patitinag ang Knights na sasandalan ang kagustuhang makatikim uli ng kampeonato.
“Ang ginagawa namin ay para sa Letran community. Gusto namin na tapusin ang mga kabiguan nila,” wika ni rookie coach Aldin Ayo.
Ang matinding depensa na nagresulta para magkaroon ng ng 30.5 average sa errors ang San Beda ang muli nilang ilalatag.
Pero ang dapat na hindi mawala ay ang opensa ng kanilang ‘Big Three’ na sina Mark Cruz, Kevin Racal at Rey Nambatac.
Si Cruz ay naghatid ng 21 puntos ngunit si Racal na gumawa ng career-high 28 puntos sa panalo sa Game One ay nalimitahan sa 9 puntos habang si Nambatac ay walang naipasok sa anim na field goals at limang free throws.
“Very optimistic ako na amin ito. We just have to stay positive at give our best effort,” dagdag ni Ayo. (AT)
- Latest