Koronadal tracksters kampeon sa athletics sa Batang Pinoy
MANILA, Philippines – Makinang na kampanya ang ipinakita ng mga tracksters mula Koronadal City nang sila ang lumabas na kampeon sa athletics sa 2015 Batang Pinoy Mindanao Regioinal Qualifying leg na ginagawa sa South Cotabato Sports Complex.
Matapos ang 32 events, ang mga mananakbo ng host city ay kumulekta ng 10 ginto, 11 pilak at 2 bronze medals at nanguna rito sina Lloyd Aumada at Mary Angelie Arano na humakot ng tig-dalawang ginto.
Si Aumada ay kampeon sa boys’ 1,500m (4:39.80) at 800m (2:13.52) habang si Arano ay nanaig sa girls’ 3000m (11:46.86) at 800m (2:35.88).
Pumangalawa sa karera ang host province na South Cotabato sa pitong ginto, 4 pilak at 5 bronze ang nagdala sa laban ng delegasyon na tinuturuan ni Olympian at dating SEAG champion sa men’s long jump Henry Dagmil na si Joselito Hapitan.
Kinilala si Hapitan bilang Sprint King nang walisin niya ang mga ginto sa boys’ 100m (11.35), 200m (23.04) at 400m (52.70) events.
Kuminang sa hanay ng mga kababaihan ay si Ashley Azusada ng Zamboanga City na may tatlong ginto sa long jump (4.27m), 100m (13.15) at 200m (27.83) events.
Ang Zamboanga City ay nagkaroon ng apat na ginto at tig-isang pilak at bronze para pumang-apat kasunod ng General Santos City na may apat ding ginto pero may anim na pilak at 13 bronze. (AT)
- Latest